Balik-ensayo na si dating San Sebastian standout Ronald Pascual sa Star Hotshots.

Ito’y matapos pabulaanan ni Hotshots team governor Rene Pardo ang ulat na nagtampo umano ang madalas mabangkong forward sa katatapos na Philippine Cup.

Ayon kay Pardo, nakumpirma nila na nagkaroon ng karamdaman si Pascual kung kaya’t ilang linggo itong hindi sumipot sa ensayo simula nang magkaroon sila ng Christmas break.

“May ipinakita naman siyang medical certificate. Yung sa playing time, dapat din niyang intindihin na may James Yap kami. Dun pa lang malaking minute na ang mawawala sa kanila,” ayon kay Pardo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa anim na laro sa Hotshots, naitala ni Pascual ang average na 8.3 minuto kada laro.

Huling lumaro ang Hotshots noong December 25 kung saan napatalsik ito ng Ginebra sa kanilang Christmas day playoff game.

Sa kabila nito, sinabihan ni Pardo si Pascual na gumawa ng paraan na magpasabi sa management sakali man na hindi siya makadadalo ng ensayo.

Dinahilan umano ni Pascual na nanakaw ang dalawa nitong cellphone kaya hindi niya nagawang mai-report ang kaniyang pagkaka-ospital sa Pampanga.

“Apologetic naman siya and yun lang naman ang gusto kong madinig. Pero sinabihan ko siya na mag-exert ng effort na ipaalam sa amin kung may ganoong problema,” ani Pardo.

Napunta si Pascual sa Star Hotshots sa isang six-player, three-team trade noong Setyembre kung saan nakasama si Joe Devance na nalipat naman sa Ginebra. (DENNIS PRINCIPE)