Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) nitong Lunes sa publiko kaugnay sa presensiya ng dalawang hindi rehistradong gamot sa merkado.
Sa FDA Advisory No. 2016-001, binabalaan ang publiko laban sa paggamit ng Deksametason (Dexahersen) 0.5mg tablet at Cyproheptadine HCl (Prociny 4) film-coated caplet.
“All establishments and outlets are hereby warned against selling and/or selling or dispensing above-identified products. Anyone found to be selling said product will be penalized,” pabatid ni Ma. Lourdes C. Santiago, FDA officer-in-charge director general.
Idinagdag ni Santiago na ang mga binanggit na drug products ay mapanganib sa publiko at lumalabag sa Republic Act 9711 o FDA Act of 2009.
Bukod sa hindi pagsasailalim sa required checking sa bansa, binanggit ng FDA na ang maling paggamit ng Dexamethasone, isang steroid, at Cyproheptadine, isang antihistamine, ay may potensiyal na panganib at pinsala sa tao.
Ang misuse and/or chronic use ng steroids gaya ng Dexamethasone ay maaaring magresulta sa serious adverse reactions gaya ng gastrointestinal bleeding at ulcer, osteoporosis, panghihina ng kalamnan, labis na katabaan, dyslipidemia, mataas na panganib ng impeksiyon, mabagal na paghilom ng sugat, at mga sintomas at senyales ng withdrawal gaya ng hypotension, shock at coma, kapag biglang itinigil.
Samantala, ang matagal na paggamit ng Cyproheptadine ay maaaring magresulta sa adverse reactions gaya pagkamalituhin, seizure, tinnitus, pagiging matakaw sa pagkain, hypotension, mabilis na pintig ng puso, hirap sa pag-ihi, at paninilaw ng balat.
Inatasan na FDA ang mga opisyal ng Field Regulatory Operation Office nito na kumpiskahin ang mga hindi rehistradong drug products sa merkado. (PNA)