“PUNONG Magikero”. Ganito tinagurian ni Sen. Miriam Santiago si Ronaldo Puno sa kanyang privilege speech noong 2010 na pinamagatan niyang “The Avatar of Corruption”. Tinawag din niya itong political operator. Pinaniwala raw nito ang mga tinutulungang pulitiko na ang pandaraya sa halalan at katiwalian sa gobyerno ang magdadala ng tagumpay.

Hindi ko alam kung ito ay totoo. Ang alam ko ay si Puno ang nasa likod ni Pangulong Arroyo nang maglaban ito at si Da King sa panguluhan. At alam ko rin na sa lahat ng survey na lumabas hanggang sa maghahalalan ay napakalaki ng lamang ni Da King. Pero, nagwagi pa rin si Pangulong Gloria. Nagwagi pa rin ito sa kabila na umabot sa negative 36 ang approval rating ito nang palitan si Pangulong Erap pagkatapos patalsikin ng taumbayan sa puwesto.

Pero bago napatalsik si Pangulong Erap, ang hinirang niyang DILG Secretary ay si Puno. Sa panahong si Puno ay DILG Secretary, nasangkot ito sa mga anomalya. Una, iyong P200-million Motorola deal, na ibinigay nito ang kontrata para sa Phase 4 at 5 ng communication project sa mga kamag-anak nito. Ikalawa, ang overpriced na P16-million handcuffs deal, at ang ikatlo ay nang ibigay niya ang karapatang gumawa ng drug testing sa mga opisyal ng pulisya sa Mahogany Medical and Pharmaceutical lang.

Buhay at sumisipa na naman si Puno. Paano kinuha siya ni VP Binay na tagapamahala ng kampanya nito sa panguluhan. Magkasama silang naglingkod noon sa gobyerno nang si Erap ang Pangulo. Pareho silang sangkot sa mga anomalya. Ang ibinibintang na katiwalian na ginawa umano ni Binay ay nang ito ay alkalde ng Makati sa mahabang panahon. Kahit si Puno ang nangangasiwa sa kampanya ni Binay, hindi raw siya binabayaran sa kanyang serbisyo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ba dapat itong ikabahala ng sambayanan? Eh, kung hindi siya binabayaran ngayon, mahirap isipin na hindi siya pababawiin ni Vice-President kapag nanalo ito. Lalong mahirap isipin na sa pagtanaw nito ng utang na loob sa kanya, eh, sa sarili niyang bulsa ito pababawiin.

Sa pag-angat ni VP Binay sa isa sa mga huling presidential survey, ang sinasabing dahilan ay ang serbisyo ni Puno. Malaking bagay ito sa paghingi ng donasyon. Masusubok ngayon ang bisa ng magic ni Puno. Maipapanalo kaya niya si VP Binay tulad ng ginawa niya kay Pangulong Erap, na noon ay bise-presidente ni FVR pero iba ang sinuportahan ni FVR? Panibagong yugto na naman ito ng maniobrahan na ang masasakripisyo ay ang kagustuhan ng mamamayang manghahalal. (Ric Valmonte)