Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 14 ang Pilipino sa 17 nasawi sa sunog sa isang hotel sa Erbil, ang kabisera ng Kurdistan Region sa Iraq, nitong Biyernes.
Ito ay matapos matanggap ng DFA ang opisyal na impormasyon mula kay Iraq Chargé d’Affaires Elmer Cato, opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad, sa pagkakatupok sa Capitol Hotel, na roon na-trap ang 14 na Pinoy at hinihinalang nagsimula ang apoy sa massage parlor na katabi ng hotel.
Tumulak kahapon si Cato at ang kanyang team patungong Kurdistan Region upang personal na kausapin ang awtoridad sa rehiyon para matukoy ang mga nasawing Pinoy at agarang maisaayos ang pag-uwi sa mga labi ng mga ito sa Pilipinas.
Inihayag ni Cato na pawang babae ang mga nasawing Pilipino, at pansamantalang hindi muna pinangalanan hanggang hindi pa naipapabatid sa kani-kanilang pamilya ang trahedya.
Bukod sa mga Pinoy, dalawang Iraqi at isang Palestinian ang napaulat na namatay sa sunog, na iniimbestigahan na ng Kurdistan authorities ang sanhi.
Batay sa huling report ng awtoridad, hindi iniuugnay ang insidente sa anumang aktibidad ng terorismo sa Iraq.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pakikiramay ang Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMIP) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kaanak ng 14 na nasawing Pinoy.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-ECMIP, mag- aalay sila ng misa para sa katahimikan ng kaluluwa ng mga nasawi, kasabay ng payo sa mga naulila na maging matatag at lalo pang magtiwala sa Diyos.
(BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO)