RIO DE JANEIRO, Brazil (AFP) – Natuklasan ng mahuhusay na researcher ng Brazil noong Biyernes na may aktibong Zika virus ang ihi at laway ng mga biktima, ngunit walang patunay na maaari itong maihawa sa pamamagitan ng body fluids.
Ayon kay Rio de Janeiro Fiocruz Instituto Chief Paulo Gadelha, kahit na-detect ang Zika virus sa laway at ihi ay hindi nangangahulugang may kapasidad ang carrier nito na ilipat ito sa kapwa nila.
Ang Zika, na dulot ng kagat ng lamok, ay iniuugnay sa seryosong depekto sa mga bagong silang na ang ina ay dinapuan ng nasabing sakit.
Dahil sa dami ng mga kaso nito sa Brazil at Latin America, pinagbawalan ang mga buntis na magtungo sa nasabing mga lugar.
Posible rin umanong maapektuhan ang pangangasiwa ng Brazil sa 2016 Olympics, na gaganapin sa Rio sa Agosto, sa takot na maraming tao ang maaapektuhan ng Zika.
Gayunman, hindi pa malinaw kung naililipat nga ito ng carrier sa kapwa tao o nakukuha lamang sa kagat ng lamok.