DALLAS (AP) — Iniulat ng mga opisyal ng kalusugan nitong Martes na isang tao sa Texas ang nahawaan ng Zika virus sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa unang kaso ng pagsalin ng sakit sa United States sa gitna ng kasalukuyang outbreak sa Latin America.
Ang hindi kinilalang indibiduwal ay hindi bumiyahe ngunit nakipagtalik sa isang tao na nagbalik mula sa Venezuela at nagkasakit ng Zika, sinabi ng Dallas County health officials. Naglabas ang U.S. Centers for Disease Control ng pahayag na nagsasabing nakumpirma sa lab tests na nahawaan ng Zika ang pasyenteng hindi bumiyahe.
Ang virus, na iniugnay sa birth defects sa America, ay karaniwang naikakalat sa pamamagitan ng kagat ng lamok, ngunit sinisilip na ng mga imbestigador ang posibilidad maaari itong maisalin sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Mayroong ulat na isang Colorado researcher na nahawa ng virus sa Africa at naisalin ito sa kanyang asawa sa kanyang pag-uwi noong 2008, at natagpuan din ang virus sa semen ng isang lalaki sa Tahiti.
“It’s very rare, but this is not new,” sabi ni Zachary Thompson, director ng Dallas County Health and Human Services, sa WFAA-TV sa Dallas. “We always looked at the point that this could be transmitted sexually.”