GENEVA (AFP) — Napakabilis ng pagkalat ng Zika virus sa America at maaaring magtala ang rehiyon ng mahigit apat na milyong kaso ng sakit, na pinaghihinalaang nagdudulot ng birth defects, babala ng World Health Organization nitong Huwebes.
Sa pagtaas ng kaso ng microcephaly – pinaniniwalaang may kaugnayan sa virus -- sa Brazil, sinabi ni WHO chief Margaret Chan na isang emergency committee ang magpupulong sa Lunes upang tukuyin kung ang Zika outbreak ay maituturing na isang global health emergency.
Ang microcephaly ay nagdudulot ng pagliit ng ulo ng mga sanggol.
Kumalat na ang Zika sa Europe at North America, na ilang kaso ang nasuri sa mga taong nagbabalik mula sa ibayong dagat.
“The situation today is dramatically different. The level of alarm is extremely high,” sinabi ni Chan, idinagdag na posibleng may kaugnayan din ang Zika sa neurological disorder na tinatawag na Guillain-Barre syndrome.
Sinabi niya sa mga miyembro ng WHO na ang virus “is now spreading explosively,” sa America, kung saan 23 bansa at teritoryo na ang nag-ulat ng mga kaso nito.