Tatlong national sports association (NSA) na kinukonsiderang magulo ang liderato ang tuluyang nirendahan ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ang mga tinutukoy na NSA ay ang Philippine Bowling Congress, Billiards Sports Confederation of the Philippines at ang Handball Philippines.

Isiniwalat ng isang mapagkakatiwalaang source na ang bowling ay muling pamumunuan ni Steve Hontiveros, na siyang kasalukuyang POC secretary general.

Pansamantala namang mamumuno sa billiards si POC legal counsel Atty. Ramon Malinao habang ang Handball ay hahawakan ni Terry Capistrano.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napag-alaman mismo kay Hontiveros, dating pangulo ng bowling, sa ginanap na Philippine Sports Hall of Fame awards, na pansamantala nitong iiwanan ang pamumuno sa Handball Philippines upang ayusin ang liderato at patutunguhan ng bowling.

Matatandaang pumanaw sa Estados Unidos ang inihalal na pangulo ng bowling na si Buddy Lopa at hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nagaganap na eleksiyon sa asosasyon.

Iniatas naman ng POC ang pagsasailalim nito sa liderato ng BSCP dahil sa kapabayaan ng mga namumuno na makapaghalal ng bagong presidente.

Pansamantalang itinalaga ng POC si Malinao bilang interim president hanggat hindi nareresolba ang isyu sa loob ng asosasyon.

Pansamantala namang pamumunuan ni Capistrano na siya ring team manager ng De La Salle basketball team, ang posisyong babakantehin ni Hontiveros sa bago pa lamang tatag na Handball Pilipinas. (ANGIE OREDO)