Naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay nang matagpuan ng mga residente ang isang hindi pa nakikilalang babae na sinasabing asset ng pulisya, makaraan siyang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilang mga salarin sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa 35-40 ang edad, balingkinitan, may taas na 4’10”, nakasuot ng sleeveless shirt, asul na maong, at pink ang tsinelas.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay PO3 Edgar Manapat, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) , dakong 1:00 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay sa Maria Clara Street, sa kanto ng 3rd Avenue East sa Barangay 119.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Kuwento ng isang saksi, na tumangging pangalanan, nakita niyang naglalakad sa nasabing lugar ang babae nang bigla itong harangan ng dalawang lalaki at pinagbabaril.

Sapantaha ng mga residente roon, asset ng pulisya ang biktima dahil noong nakaraang taon ay isa ring babaeng police asset ang pinatay umano sa lugar.

Nabatid din na madalas magkahulihan ng ilegal na droga sa nasabing lugar sa nakalipas na mga linggo.

(Orly L. Barcala)