Mali ang dumating na impormasyon kay Pangulong Aquino kaugnay ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Ito ang lumabas sa pagdinig kahapon, nang iginiit ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na sablay ang mga impormasyon na sinasabi ng sinibak na si PNP Chief Director General Alan LM Purisima.
Inamin ni Purisima na may mga pagkukulang sa kanyang desisyon. Suspendido si Purisima bilang PNP chief nang mangyari ang masaker noong Enero 25, 2015, pero nakialam pa rin siya sa operasyon.
Sinabi ni Enrile na walang interes si PNoy sa kaligtasan ng mga pulis at sundalo dahil nakatuon lang ito sa pagkakadakip sa wanted na international terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan.”
Iginiit ni Sen. Grace Poe, na mananatili ang kanilang committee report at sa ngayon ay wala silang balak na baguhin ito.
“Tinukoy natin ang mga nagkamali at pagkakamali, pero pinuri natin ang mga nararapat at kilos na marapat sa isang patas na pagtatasa ng partisipasyon sa bawat isa,” ayon kay Poe.
Lumabas din sa pagdinig ang naging papel ng Amerika sa operasyon, dahil malinaw na ang nasabing bansa ang nagbigay ng pagsasanay, impormasyon, at nagpahiram ng mga gamit sa operasyon sa ilalim na rin ng Joint Task Force-Philippines sa Zamboanga City. (LEONEL ABASOLA)