HINDI lamang mga mag-aaral sa Bataan ang nagdiwang, natuwa rin maging ang libu-libong commuter mula sa iba’t ibang lugar sa Region III sa napabalitang muling bubuksan ang serbisyo ng ferry service sa bayan ng Orion, lalawigan ng mga dakilang bayani, ang Bataan.
Halos magsigawan sa tuwa ang mga estudyante, negosyante, turista at siyempre pa, ang mga residente ng naturang bayan at mga kalapit probinsiya at kalapit-bayan.
Kamakailan ay nakipagpulong na ang butihing Gobernador ng Bataan na si Albert Raymond Garcia sa mga proponent ng ferry service para talakayin ang muling pagbubukas ng naturang sasakyang pandagat.
Naniniwala si Gov. Garcia na ang muling pagsisimula ng operasyon ng ferry service ay gigising sa nahimlay na sanang interes ng mga naninirahan sa Metro Manila, mga mamumuhunang dayuhan at lokal, gayundin ang mga educational at foreign groups na bibisitahin ang makasaysayang probinsiya.
Idinugtong pa ni Garcia na ang newly rehabilitated Port of Orion ay higit na maganda, maalwan at malawak at handa na sa pagbabalik operasyon na makapagdudulot ng mas mabilis, komportable at mas matipid na serbisyo.
Ang Port of Orion ay may layong 30 nautical miles mula sa Metro Manila at naging pangunahing transport terminal nang sumabog ang Mount Pinatubo noong 1991. Dagsa ang tumatangkilik ditto, particular na ang mga estudyante, negosyante at mga nagsisipagtrabaho sa Maynila. Araw-araw ay putok ang mga ito sa mga mananakay sapagkat bukod sa maalwan ay mabilis pa. Sa loob halos ng 40 minuto ay nasa Maynila ka na buhat sa Bataan.
Sa gitna ng mala-impiyernong traffic sa Metro Manila, isang magandang lunas ang Bataan ferry service sapagkat malaki ang matitipid ng mga mananakay lalo na sa kanilang oras.
Kahit na papaano, makalalasap muna ng ginhawa at maalwang pagbibiyahe ang mga pasahero mula Bataan hanggang Maynila bago sila makaranas ng pagdurusa sa traffic.
Isa na namang hakbang ito tungo sa kaunlaran sa pamamahala ni Gov. Abet Garcia. (ROD SALANDANAN)