Power-Duo1 copy

PINAKAIN ng alikabok ng Pilipinas Got Talent Season 5 ang mga katapat na programa sa GMA-7. Sa unang episode pa lang noong Sabado, 25.5% na ang national ratings nito kumpara 12.1% ng Celebrity Bluff; at 24.5% naman noong Linggo kumpara 12.9% ng Wanted President.

Bukod sa ratings, bukambibig ang PGT5 ng mga kausap namin noong Sabado ng gabi hanggang Linggo.

Inaabangan ang lahat sa PGT5 mula sa kakaibang talent ng contestants hanggang sa reaksyon ng judges na sina Vice Ganda, Robin Padilla, Angel Locsin at Mr. Freddie M. Garcia.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Sa ikalawang gabi pa lang ay pinindot na agad ni Robin ang golden buzzer para sa Power Duo na nagpakitang-gilas sa interpretative dance sa awiting On The Wings of Love.

Nag-ala Clark at Lea ang Power Duo na may namumuo palang pagmamahalan kaya ang sabi nga ni Vice, “’Yung ginawa ninyo, maganda ang epekto sa amin kasi nararamdaman namin ‘yung istorya. May sincerity sa haplos, may sincerity sa tinginan. Totoo ‘yung istorya, tumatagos sa amin mula diyan sa entablado papunta rito ‘yung istorya, damang-dama namin.”

Kaya nagtanong din si Angel ng, “Akala ko ba magkaibigan lang kayo, bakit magkahawak lagi kamay n’yo?”

“Hindi ninyo ako mabobola, sa tanda kong ito?” hirit naman ni Robin. “Hindi ninyo magagawa ‘yan kung hindi ninyo mahal ang isa’t isa.”

Nang tanungin ni Vice kung may girlfriend ang guy, saka nito inamin na nililigawan niya ang kapartner niya.

Nagpakilig lalo ito sa audience sa Kia Theater.

Dahil sa PGT5 ay tila naging opisyal nang magkasintahan ang Power Duo dahil inudyukan ni Vice na isayaw nila ang kanilang pagliligawan.

Ang saya-saya ng audience na sumisigaw lahat ng “golden buzzer” at ibinigay nga ito ni Robin. Deserving naman talaga ang Power Duo.

Kaya sa semi-finals na uli mapapanood ang Power Duo ng Angono Rizal, may panahon pa sila para magpraktis ng bagong sayaw para sa muli nilang pagharap kina Vice, Robin, Angel at FMG.

Nakakatuwa dahil may kanya-kanya highlights ang judges, napaiyak naman si Angel sa touching na love story ng Power Duo. May kurot sa puso naman talaga ang Power Duo.

Hindi maiiwasang ikumpara ang PGT5 sa susunod na programa ni Vice na Gandang Gabi Vice. Mabuti na lang at maganda rin ng episode ng GGV nitong nakaraang Linggo dahil guests ni Vice ang luka-lukang si Cristine Reyes na walang ginawa kundi okrayin siya, si Isabel Daza na pasimpleng okrayin din ang host at si Zanjoe Marudo na halatang may pinagdadaanan kaya panay ang hugot lines sa kanya ni AA.

Saya-sayahan at pa-cute naman sina Daniel Matsunaga at Erich Gonzales para sa promo ng Be My Lady na umeere na ngayon.

Aware pala ang ABS-CBN management sa sigidang shows ni Vice, dahil may nagbalita sa amin na balak ilipat sa mas maagang timeslot ang PGT5 kaya ipapalit ito sa Dance Kids. (Reggee Bonoan)