NATITIYAK ko na walang hindi nasisiyahan sa sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produkto ng langis, lalo na ngayon na patuloy naman ang pagdami ng nagugutom at ng mga walang hanapbuhay. Ang rollback ay bunsod ng biglang pagbaba ng presyo ng inaangkat na langis sa pandaigdigang pamilihan.
Gayunman, hindi maiaalis ang mga pagdududa: Ang nabanggit na magkakasunod na oil price rollback ay hindi kaya isang panlilibang lamang ng mga kumpanya ng langis sa mga mamamayan? Upang ang consumer ay hindi naman magulantang sa biglang pagtaas ng presyo ng oil products? Bantad na ang sambayanan sa gayong nakadidismayang estratehiya ng ilang oil companies na wala nang inatupag kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang sa makasariling pagnenegosyo.
Malimit na tayo ay binubulaga ng katiting na oil price rollback at ng pagpapatupad naman ng nakalululang oil price hike na itinataon pa sa paghihikahos ng taumbayan.
Totoo na dahil sa pagbabawas ng presyo ng mga produkto ng langis, lalo na ng diesel, kasabay na bumababa ang halaga ng ilang pangangailangan ng sambayanan. Maging ang mga operator ng mga pampasaherong jeepney ay nagpapatupad ng bawas-pasahe. Nakalulungkot nga lamang at ang ibang kumpanya ng bus ay manhid at walang malasakit sa kapakanan ng mga pasahero. O, bantulot lamang sa pagtupad sa makabayan at makataong tungkulin ang mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa transport industry?
Sa ganitong situwasyon, lalong dapat paigtingin ang panawagan ng mga mamamayan hinggil sa pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law (ODL). Ang batas na ito ang ginagawang sandigan ng ilang oil companies sa kanilang sakim na pagnenegosyo. Isipin na lamang na sila ay nakapagtatakda ng oil price hike at oil price rollback sa halagang nais nila. At isinasangkalan nila ang umano’y pabagu-bagong presyo sa world market. Dahil dito, nagkakaroon ng chain reaction o kawing-kawing na epekto sa lahat halos ng ating mahahalagang pangangailangan. Tulad, halimbawa, ng mga bilihin, pasahe at maging ng sahod ng mga manggagawa.
Ang pagpapawalang-bisa sa ODL ang tutuldok sa panlilibang ng ilang oil companies. (CELO LAGMAY)