GINUGUNITA ngayong ika-25 ng Enero ang unang anibersaryo ng Mamasapano massacre. Sa malagim at madugong pagkamatay ng 44 na SAF (Specal Action Force ) commando ng Philippine National Police (PNP) noong madaling araw ng Enero 25, 2015. Nangyari ang kakila-kilabot na engkuwentro nang ilunsad ang “Oplan Exodus”, isang operasyon para madakip ang dalawang international terrorist na sina Basit Usman at Zalkipi bin Hit alyas “Marwan”. Napatay si Marwan matapos ang sagupaan na tumagal ng walong oras. Matatandaan na ang madugong sagupaan ay nangyari sa kasagsagan ng talakayan sa Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kamara at sa Senado. Nahinto ang pagtalakay sa BBL dahil sa Mamasapano massacre. Sa ngayon, sabunot na ito sa panot at suntok sa buwan kung mapagtitibay pa sa Kongreso.
Sa madugong pagkamatay ng 44 na SAF commando, iba’t ibang reaksiyon ang narinig sa marami nating kababayan. Isang dating senador na naging hepe ng PNP ang nagsabi na hindi sagupaan ang nangyari sa Mamasapano kundi, minassacre ang 44 na SAF commando. Sa Senado, tatlong senador ang kumambyo sa kanilang pagsuporta sa BBL. Ayon kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, mahirap makipag-usap kundi seryoso ang kaharap at hindi basta engkuwentro lamang ang naganap kundi malinaw na massacre.
Nadismaya at halos mapamura ang lahat nang magpahayag sa Malacañang ang Pangulong Aquino sapagkat para siyang si Poncio Pilato na iwas-pusoy sa nangyari. Parang sinisi pa niya ang mga tauhan ng SAF sa kawalan ng koordinasyon. At nang makarating ang mga bangkay ng SAF sa Villamor Airbase, makapanindig-balahibo ang mga pangyayari at ang pagdadalamhati at pagtangis ng asawa, magulang, kamag-anak kaibigan at iba pang kakilala ng SAF 44. Humihingi at nagsusumamo sila ng katarungan sa nangyari.
Nainis naman ang marami nating kababayan sa ginawa ni Pangulong Aquino sapagkat sa halip na siya ang manguna sa pagsalubong sa mga bangkay ng SAF 44, iba ang inatupag ng Pangulo. Higit pa niyang binigyang-pansin ang pagpapasinaya sa isang pabrika ng sasakyan sa Sta. Rosa, Laguna. At habang nakaburol ang SAF 44, katakut-takot ang mga benepisyong ipinangako sa mga nagdadalamhating pamilya at kamag-anak ng nito. Ngunit sa paglipas ng mga araw at ngayong sumapit ang unang anibersaryo ng kanilang pagkamatay, ang pamilya ng SAF 44 ay nagrereklamo pa rin sa ipinangakong benepisyo dahil hindi pa rin natutupad. Todo paliwanag naman ang Malacañang.
Sa ginawang imbestigasyon, nabunyag na ang “Oplan Exodus” ay hindi sinabi at ipinaalam kina Deputy PNP Chief Leonardo Espina at dating DILG Secretary Mar Roxas. Nakialam si suspendidong PNP Chief General Alan Purisima, ang kaibigan at paborito ng Pangulong Aquino. Naging emosyonal at naiyak si Deputy PNP Chief General Leonardo Espina habang ginagawa ang imbestigasyon sa Senado sa nangyari sa SAF 44. Natapos na ang hearing ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nakakasuhan at napaparusahan. (CLEMEN BAUTISTA)