In-upload na ng Commission on Elections (Comelec) sa website nito ang inisyal na listahan ng mga kandidato na posibleng makasali sa opisyal na balota na gagamitin sa eleksiyon sa Mayo 9.
Sa naturang listahan ay may walong presidential candidate na posibleng makasama sa balota, kabilang sina Vice President Jejomar Binay, Senador Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Mel Mendoza, Senator Grace Poe, Mar Roxas, Roy Señeres at Dante Valencia.
May anim namang vice presidential candidate na kasama sa listahan, sina Senators Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Gregorio Honasan, Bongbong Marcos , at Antonio Trillanes IV, at si Congresswoman Leni Robredo.
Nasa 52 naman ang senatorial bets sa listahan, at kasama na rin ang mga kandidato para sa mga lokal na posisyon.
Nilinaw naman ni Comelec na ang naturang listahan ay initial list pa lang at sasailalim pa sa editing.
Hinihimok din ng poll body ang mga kandidato na i-check sa listahan ang kanilang mga pangalan upang makumpirma kung tama ang spelling ng mga ito.
Anumang request para sa correction, kung papayagan, ay dapat na ipaabot sa regional election director, provincial election supervisor o election officer, sa pamamagitan ng liham.
Maaapektuhan din ang listahan ng kalalabasan ng iba’t ibang kaso at usapin na nakabimbin sa Comelec laban sa mga kandidato. (Mary Ann Santiago)