ISULAN, Sultan Kudarat – Nasa mahigit 30 armado mula sa umano’y 106th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sumalakay sa detachment ng 1st Mechanized Battalion ng Philippine Army sa Sitio Salumping, Barangay Bagan, Guindulungan, Maguindanao, nitong Linggo ng gabi.
Nangyari ang pagsalakay pasado 8:00 ng gabi.
Ayon sa ulat, ang grupong sumalakay ay pinangungunahan nina Kumander Haron at Kumander Diego, kapwa kilalang leader ng 106th Base Command ng MILF.
Nagkasagupa ang magkabilang panig, at tumagal nang halos isang oras ang engkuwentro.
Wala namang nasaktan sa panig ng militar.
Ayon sa ulat, posibleng gumanti ang nasabing paksiyon ng MILF, dahil dakong 3:00 ng hapon nang araw na iyon ay sinalakay ng Army ang kuta nina Haron at Diego at sinamsam ang matataas na kalibre ng mga baril at mga bala.
Kaugnay nito, tiniyak ni Col. Fel Budiongan, pinuno ng 1st Mechanized Army Brigade sa Maguindanao, na sadyang nakaalerto ang kanyang tropa laban sa anumang banta, bagamat nilinaw na iginagalang ng militar ang usapang kapayapaan ng gobyerno at MILF.
Aniya, malinaw na ipinagtanggol lang ng mga sundalo ang kanilang sarili laban sa pagsalakay.
Hindi naman makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng 106th MILF Base Command kaugnay ng insidente. (Leo P. Diaz)