Ni AARON RECUENCO

Muling naimbitahan ni San Juan City Mayor Guia Gomez ang pambato ng administrasyong Aquino sa 2016 elections na si Mar Roxas upang dumalo sa isang malaking pagtitipon sa siyudad na kilalang balwarte ng oposisyon, partikular ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Tiniyak din ni Gomez, isang dating aktres at ina ni Sen. JV Ejercito, na magkakaroon ng “show of force” ang mga taga-San Juan at para kay Roxas dahil inaasahang dadalo sa pagtitipon ang mahigit 1,000 opisyal ng barangay sa siyudad.

“Mar serves as the guest of honor and keynote speaker during the Flag-Raising Ceremony to be held at the City Hall Grounds,” nakasaad sa media advisory na ipinadala ng kampo ni Gomez.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang unang pagkakataon na nagpakita si Roxas sa San Juan City ay sa turnover ceremony ng mga housing unit para sa daan-daang biktima ng sunog noong nakaraang buwan, na dinaluhan din ni Sen. JV at iba pang miyembro ng pamilya ni Estrada.

Maraming nagtaas ng kilay nang si Roxas ang dumalo sa turnover ceremony para sa mga housing unit, gayung si Vice President Jejomar C. Binay, kilalang kaalyado ni Erap, ang dating housing czar ng administrasyong Aquino.

Matatandaan na unang inihayag ni Estrada na pinagpipilian niya bilang kanyang mamanukin sa pampanguluhan sa 2016 sina Binay at Sen. Grace Poe, anak ng kanyang matalik na kaibigan, ang yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr.