Sonny Boy Jaro - copy copy

Itataya ni dating WBC flyweight champion Sonny Boy Jaro ang kanyang world ranking laban sa Hapones na si Yusuke Suzuki sa Enero 20 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

Kasalukuyang No. 4 contender kay WBC super flyweight champion Carlos Cuadras ng Mexico, tatangkain ni Jaro na itala ang ikasiyam niyang sunod na panalo mula nang ma-upset siya sa puntos ng kababayang si Gerpaul Valero noong 2013.

Kung ilang beses nang inihayag na Cuadras na idedepensa niya ang WBC belt kay Jaro ngunit laging nauunsiyami ang laban. Kinatakutan si Jaro mula nang patulugin si legendary Thai boxer Pongsaklek Wonjongkam para matamo ang WBC flyweight belt at Ring Magazine crown noong Marso 2, 2012 sa Chonburi, Thailand.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bagitong boksingero lamang si Suzuki na may kartadang 6-2-0 win-loss-draw na may 4 pagwawagi sa knockouts. At ang pinakasikat niyang tinalo sa puntos ay si Philippine bantamweight champion Monico Laurente noong Agosto 18, 2014 sa Korakuen Hall.

Sa panayam ng Balita, inamin ni Jaro na target ni Suzuki ang kanyang world rankings ngunit pipilitin niyang manalo dahil gusto pa niyang lumaban sa kampeonatong pandaigdig bago magretiro sa boksing.

“Sisikapin ko pong manalo kay Suzuki sa January 20,” dagdag ni Jaro. “Sana po ipagdasal ninyo ako dahil ang laban kong ito ay para sa Pilipinas.” (Gilbert EspeÑa)