“DATI, bulagsak ako sa pera, kapag nakahawak po ako ng pera, kung anu-ano ‘pinalalagay ko sa kotse ko, puro accessories. Pero ngayon, hindi na, kapag nahawakan ko na diretso na sa bangko,” kuwento ni Michael Pangilinan nang makatsikahan namin.
Hindi itinatago ni Michael na isa na siyang ama at mag-iisang buwan na ang anak niya na ipinakiusap ng young singer ‘na produkto ng X-Factor’ na huwag i-publish, pero kamukhang-kamukha nga niya. Para silang pinagbiyak na bunga.
Ayaw sanang magkuwento ni Michael pero dahil nabanggit na rin naman niya ito nang mag-guest siya sa KrisTV, dahil talagang hindi siya tinantanan ni Kris Aquino na ikuwento ang tungkol sa bata, pero noong hinihingi na ang litrato ng bagets ng staff ng programa ay magalang na siyang tumanggi.
“Okay na po na nagkuwento ako sa KrisTV, kasi nahihiya ako kay Ate Kris, pero sana maintindihan niya akong ayaw ko ilabas ang litrato ng anak ko,” seryosong sabi ng young singer.
Wala nang relasyon si Michael sa nanay ng anak niya, pero ginagampanan ng binatang ama ang obligasyon niya, kaya pinadadalhan ng gatas, diapers at iba pang mga pangangailangan ang anak at maging ang hospital bills ay sinagot niya lahat.
“Ganu’n po pala ang pakiramdam, naging mature akong bigla at hindi ko po pinagsisihan, kasi naging diretso na ako mag-isip ngayon,” nakangiting sabi ni Michael.
Samantala, malaki ang naitulong ng Your Face Sounds Familiar kay Michael dahil punumpuno na ang schedule niya sa buwan ng Enero at Pebrero ngayong taon. Dati kasi ay mas madalas pang tambay siya sa bahay at naglalaro ng basketball kaysa sa shows.
Natatawang kuwento ng manager ni Michael na si Katotong Jobert Sucaldito, dati ay ipinakikiusap niya sa mga kaibigang show producer na isama sa mga show ang kanyang anak-anakan kahit na libre at siya na lang ang magbibigay ng talent fee.
“Eh, minsan, nahuli niya ako, naglalagay ako ng 5K sa sobre na kunwari honorarium niya, eh, biglang pumasok, sabi niya, ‘’Nay, ano ‘yan?’ Sabi ko, ‘Talent fee mo.’ Sabi ba naman, ‘Hindi, eh, nakita ko galing sa wallet mo, ayoko!’
“Hindi niya tinanggap simula no’n kapag nalaman niyang may show, inaalam niya talaga kung bayad siya o ako lang ang magbibigay sa kanya,” kuwento ni Katotong Jobert.
Pero ngayon, mismong show producers na ang tumatawad kasi tumaas na ng konti ang TF ni Michael.
“Nakakatuwa kasi in one day, nakakaanim na shows kami or more pa. Kaya nakakairita ang trapik, kasi… di ba?” sabi pa ni Jobert.
Samantala, tulad ng karamihang artista ay malaki rin ang utang na loob ni Michael kay Kuya Germs.
“Nag-X Factor po ako and landed sa Top 20. Hindi nga ako umabot sa Top 10 pero kinuha pa rin ako ni Tatay Germs sa Walang Tulugan nang marinig niya akong kumanta sa program sa DZMM.
“Kumbaga, when nobody believed in my talent, isa si Tatay Germs sa nagtiwala sa akin kaya sobrang affected ako sa pagpanaw niya. Ang sakit! Pero ganoon talaga ang buhay, hindi natin hawak ang kapalaran natin,” kuwento ni Michael.
Looking forward si Michael sa unang concert ni Edgar Allan Guzman na gaganapin sa Music Museum ngayong Sabado, Enero 16.
“I am guesting sa #AlwaysEA concert ng kaibigan kong si Edgar Allan Guzman abangan n’yo po,” sabi ni Michael.
Mag-aala Magic Mike ba siya?
“Hindi ko po kaya, malaki ang tiyan ko, ibigay na lang natin iyon kay Edgar,” sagot ng singer.
At sa Sabado rin, “I will be in Tondo, Manila earlier that day para sa pista nila with Kuya Duncan Ramos. The next day naman po ay nasa Pandacan, Manila ako for their fiesta with Kuya Aljur Abrenica, KZ Tandingan, Mama Boobsie Wonderland at Andrew E. This Valentine season, magkakaroon ako ng special shows sa CSI La Union on February 13 and Pavillion Mall sa Biñan, Laguna on February 14. I am also touring the 9 Xentro malls this month till end of February.”
Inihahanda na rin ang ikalawang album ni Michael na produced ng Star Music at hopefully, ipapalabas na rin ang pelikula nila ni Edgar na Pare, Mahal Mo Raw Ako na idinirek ni Joven Tan, ang mismong kompositor ng naturang kanta.
(REGGEE BONOAN)