Simula noong Linggo, Enero 10, bawal na ang pagdadala at paggamit ng baril. At ang nagbabawal ay ang Commission on Elections (Comelec). Pero ang tanong, Comelec din ba ang magpapatupad nito? Sila rin ba ang huhuli sa mga lalabag?
Siguradong hindi. Sila lang ang mag-uutos at iba ang magpapatupad. Alam naman natin na ang Comelec, magaling lang sa pag-uutos.
Sino ba ang talagang makikinabang sa ipinag-uutos nilang bawal gumamit ng baril kaugnay sa nalalapit na eleksiyon?
Ang mga kandidato ba? Ang mga mamamayan ba? O, mismong mga taga-Comelec?
Ang pagbabawal ng Comelec na magdala at gumamit ng baril ay pabor sa mga kriminal at hindi sa matitinong tao. Bakit?
Dahil kahit hindi eleksiyon, ang mga may lisensiyadong baril ay karaniwang dinadala lamang ang kanilang baril bilang proteksiyon sa kanilang sarili. Ang talagang mahilig magbitbit ng baril ay ang mga kriminal. At ang karaniwang dala nila ay mga baril na walang lisensiya.
May nadakip na ba ang ating mga kinauukulan na mga gun-for-hire, holdaper at iba pang kriminal? Kukumpiskahin ang ginamit na baril, kunwari ay susuriin, pero pagkatapos ay ano? Wala rin.
Iyon ngang nagpapaputok ng kanilang mga baril tuwing Bagong Taon, na hindi iilan ang natatamaan at ang iba ay namamatay pa, ay hindi magawang matiklo. Puro banta, puro angas, pero wala namang nakakasuhan at nahuhuli.
Ang dapat na bawalan sa pagdadala ng baril ay ang mga mamamatay-tao at masasamang-loob. Pero paano naman malalaman ng Comelec ang mga ito? Magaling lamang ang Comelec sa pandaraya katulad na lamang nang nangyari kay Fernando Poe Jr. sa pamamagitan ni “Hello Garci”. Magaling lamang ang Comelec sa pag-disqualify sa mga kandidatong ayaw nila o laban sa kanilang pinapanigan. Ayaw nila sa dating pamamaraan ng pagboto at pagbilang nito. Ang gusto nila ay computerized.
Sa PCOS ay madali umanong magamit sa pandaraya. Sa manu-manong bilangan ay mabagal daw, hindi lamang sa pagbibilang kundi maging sa proseso ng pagboto.
Hindi kaya ang dahilan nila sa computerized voting at pagbilang ng PCOS ay madali rin itong ma-hokus pokus?
Kailan kaya magiging matino ang Comelec? (ROD SALANDANAN)