Maaaring kuhanan ng video ng isang motorista ang routine inspection sa mga checkpoint ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagsisimula ng election period at implementasyon ng election gun ban, kahapon.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hindi nila ipinagbabawal sa mga motorista ang pagkuha ng video habang nagmamando ng checkpoint.

Mas makabubuti pa nga, aniya, ito upang matiyak na walang paglabag sa karapatan ng mga motorista habang iniinspeksiyon ng mga pulis ang kanilang sasakyan laban sa mga hindi awtorisadong armas.

“Kung gustong kumuha ng video habang nagpapa-checkpoint, okay sa amin,” ani Bautista.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Hinikayat pa niya ang mga motorista na makakaranas ng pang-aabuso sa mga pulis na huwag mangiming magsumbong sa Comelec.

Ayon kay Bautista, walang dapat ikatakot sa checkpoint ang publiko dahil isinasagawa ang mga ito para tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa panahon ng eleksiyon.

Umapela ito sa publiko na makipagtulungan sa awtoridad na nagmamando sa mga Comelec checkpoint.

“Humihingi kami ng pasensiya sa ating taumbayan na kumbaga konting abala para lang siguraduhin ang kanilang kapakanan at kabutihan,” aniya.

Personal na binisita nina Bautista at Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez ang isang checkpoint caravan mula sa Katipunan Avenue sa Quezon City hanggang sa C5, kanto ng Kalayaan Avenue, sa Taguig City dakong 10:00 ng gabi kamakalawa. - Mary Ann Santiago