Muli na namang ginapi ng National University ang defending champion Ateneo, 81-69,para mahatak ang kanilang “unbeaten run” hanggang walong laban sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.

Namuno si John Lloyd Clemente sa naturang panalo na nagtala ng 21 puntos, 13 rebounds at 2 assists habang nagdagdag naman ang kakamping si Justine Baltazar ng 15 puntos at 20 rebounds.

Umabot pa sa 25-puntos ang kalamangan ng Bullpups sa laro sa iskor na 70-45 sa simula ng final period.

Dahil sa pagkabigo, bumaba ang Blue Eaglets sa barahang 5-3, panalo-talo, dahilan upang malaglag sila sa ikatlong puwesto at umakyat naman ang De La Salle-Zobel sa ikalawa kasunod ng naitala nitong 78-58 panalo kontra Far Eastern University-Diliman.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umiskor si Aljun Melecio ng 41 puntos, kinulang lamang ng isa upang pantayan ang kanyang season-high 42 kontra Eaglets noong opening day, bukod pa sa 10 boards para pangunahan ang Junior Archers sa pagtala ng kanilang ika-anim na panalo sa walong laro.

Namuno para sa Ateneo si Gian Mamuyac na may 19 puntos,9 rebounds at 4 assists habang nagdagdag naman si, SJ Belangel ng 17 puntos at 7 boards at si Jolo Mendoza at Shaun Ildefonso ng tig-14 puntos.

Nagwagi din ang Adamson kontra University of the Philippines Integrated School, 66-61 habang pinataob naman ng University of Santo Tomas ang University of the East, 95-94.

Nalaglag ang Baby Tamaraws sa ikalimang puwesto taglay ang barahang 3-5, panalo-talo kapantay ng Tiger Cubs habang bumaba naman ang Junior Maroons sa kartadang 1-6 at nanatiling walang panalo ang Junior Warriors matapos ang walong laro.