ISULAN, Sultan Kudarat – Ibinunyag ng isang kilalang pinuno ng isang secessionist group na iisa lang ang puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sanib-puwersa ang mga ito sa mga huling pag-atake ng BIFF sa Mindanao sa nakalipas na mga linggo.
Tumangging pangalanan, sinabi ng leader na simula pa nang mangyari ang engkuwentro sa Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015 ay magkasanib-puwersa na ang BIFF at MILF.
Matatandaang mga miyembro ng BIFF at MILF ang nakasagupa ng PNP-SAF sa nasabing insidente, na ikinamatay ng 44 na police commando.
Aniya, magkasama rin ang dalawang grupo hanggang sa pag-atake noong Pasko at bisperas ng Bagong Taon.
Magugunitang walong magsasaka sa Barangay Kauran sa Ampatuan, Maguindanao ang napaslang sa pagsalakay noong Disyembre 24, at sinabi ng source na may ilang miyembro ng 105th Base Command ng MILF ang kasama sa pag-atake.
Ayon pa sa naturang leader, maging sa pagsalakay ng BIFF sa mga bayan ng Tulunan at M’lang sa Cotabato ay kasama rin nito ang ilang kasapi ng 108th Base Command ng MILF.
Kaugnay nito, sinabi ng Philippine Army na hindi na nakagugulat ang pagbubunyag na ito, bagamat itinatanggi ito ng nabanggit na base command ng MILF, at iginiit na maaaring may mga kasapi sila sa kaanak kaya kumampi o nakisimpatiya sa ilang miyembro ng BIFF.
Inaalam na ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) sa MILF ang katotohanan sa nasabing pagbubunyag. (Leo P. Diaz)