MAGANDA ang paalala ni Pope Francis sa media ngayong 2016: “Dapat magbigay ng sapat na espasyo ang media sa mga positibo at inspirational stories upang ma-counterbalance ang tindi ng kasamaan, karahasan at galit ng mundo.”
Sa kanyang maikling homilya na pinakinggan ng 10,000 mananampalataya sa tradisyunal na “Te Deum” vespers service ng pasasalamat sa St.Peter’s Basilica, sinabi ni Pope Francis na ang nagdaang taon ay binalot ng trahedya: “There has been violence, death, unspeakable suffering by so many innocent people, refugees forced to leave their countries, men, women and children without homes, food or means of support”. Bagamat hindi niya tuwirang tinukoy, kabilang sa mga salarin ng kapayapaan at pagkakaisa, ay ang ISIS na ginagamit pa ang pangalan ni Allah gayong karahasan at kamatayan ang kanilang dala-dala.
Gayunman, sinabi ni Lolo Kiko na mayroon namang mga pagkilos para sa kabutihan na tulungan ang mga nangangailangan kahit wala sila sa balita sa telebisyon sapagkat ang mabubuting bagay ay hindi yata nagiging malaking balita.
Pinaalalahanan din ng Santo Papa ang media na hindi dapat hayaan na masapawan ng kayabangan ng kasamaan ang mga hakbangin tungo sa kapayapaan at pagkakaisa.
Mga kababayan, hindi ba ninyo napapansin ang malaking pagkakaiba ng pagtrato nina Pope Francis at Pangulong Noynoy Aquino sa media? Malimit na buntunan ng sisi ng binatang Pangulo ang media dahil umano sa paglalathala ng mga negatibong ulat tungkol sa kanyang administrasyon. Nagagalit siya sa media kapag inilalathala o inihahayag ang mga kapalpakan, pagkakamali at pagiging inutil ng pamamahala niya. Sabi nga ng kaibigan ko: “Pasagasa na lang kayo ni Abaya sa tren.”
Samantala, kakaiba si Pope Francis. Hinihikayat niya ang media na ilathala ang magaganda at positibong balita/ulat upang kontrahin ang mga karahasan at kamatayan na dulot ng terorismo, fundamentalist/extremists at ng ISIS na kumikitil sa buhay ng libu-libong mamamayan ng Syria, Iraq at iba pang mga bansa sa Middle East.
****
Umaasa si Sen. Grace Poe na kakatigan siya ng Supreme Court tungkol sa kasong diskuwalipikasyon ng Commission on Elections na ngayon ay hawak na ng korte. Umaasa rin si Amazing Grace na ang 2016 ay magiging isang mabuting taon para sa mamamayang Pilipino. Umaasa siyang papayagan ang taumbayan na pumili ng kanilang magiging bagong leader, at dito ay kabilang siya. “We greet this unfolding future with optimism,” pahayag ni Grace ngayong Bagong Taon.
Susuportahan daw ni ex-President at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada ang kandidato sa panguluhan na magsusulong sa muling pagpapataw ng death penalty, lalung-lalo na laban sa drug offenders. Aba, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ito. Akala ng marami, ang susuportahan niya ay si Sen. Grace Poe na anak ng kanyang matalik na kaibigan na si FPJ! (BERT DE GUZMAN)