TAUN-TAON, tuwing sasapit ang ika-30 ng Disyembre, ginugunita natin ang araw ng kamatayan ng ating bayani na si Dr. Jose Rizal. Ginunita natin ito kamakailan sa iba’t ibang paraan. Nag-alay ng bulaklak si Pangulong Noynoy sa kanyang monumento sa Luneta. Bukod sa mga pinagkatiwalaan niyang miyembro ng kanyang gabinete na kasama niya sa pagbibigay-pugay sa ating bayani, dumalo rin si Manila Mayor Erap Estrada. Kinabukasan, nasa media na ang apo ng ating bayani na nagrereklamo dahil sa pagkakatayo ng Torre de Manila. Pinagigiba niya ito na una nang hiniling ng Philippine Historical Commission (PHC) at Knights of Rizal. Kahilingan din nating mga mamamayang Pilipino na kanilang kinakatawan.

Ang Torre de Manila ay binansagang ”pambansang photo bomber”. Itinayo kasi ito malapit sa lugar na nasasakupan ng monumento ni Rizal. Kapag ikaw ay nasa panig ng monumento kung saan pinangingibabaw mo si Rizal bilang pagdakila ng ating lahi sa kanya, makikita mo itong Torre de Manila. Bakit hindi mo makikita ito eh, napakataas ng nasabing gusali. Naitayo ito sa kabila ng ordinansa ng Maynila na ipinagbabawal ang pagtatayo ng mas mataas na gusali kaysa sa monumento ni Rizal. Ang layunin nito ay para huwag matakpan ang monumento upang hindi maging ordinaryong istruktura. Hindi lamang mawawalan ng saysay ang paggalang natin sa ating bayani kundi, sa sarili nating kagagawan, ay mawawalan ng halaga ang ginawa niya para sa ating bayan na dahilan ng kanyang pagkamatay. Sa mismong lugar na kinatatayuan ng kanyang monumento siya pinaputukan ng mga punlo ng firing squad ng mga kastilang nais manatili ang kanilang pananakop sa ating bansa. Narito ang kanyang mga labi.

Hindi lang tayo ang gumagalang sa alaala ng ating bayani. May mga pinuno ng mga banyagang bansa na nag-aalay din ng bulaklak sa kanyang monumento kapag sila ay dumadalaw sa ating bansa. Paggalang at paghanga rin sa kanya at sa ating lahi. Kaya, ang Torre de Manila ay pag-alipusta sa kanya at sa ating lahi. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan