Dadayuhin ng Philippine Super Liga (PSL) ang mga probinsiya sa bansa na lubhang popular sa pagpapaunlad at pagdiskubre sa mga talento upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga homegrown na makalaro at maranasan ang kalidad ng torneo at maipakita ang kanilang husay sa liga sa 2016.
Ito ang inihayag nina PSL President Ramon “Tats” Suzara at Chairman Philip Ella Juico matapos mapuno sa dami ng kahilingan ang natatanging club volleyball league sa bansa mula sa mga local government unit at probinsiya na nais bitbitin ang torneo sa kanilang mga nasasakupan.
“Ang daming request but we could only accommodate iyung merong mga existing facilities na safe paglaruan,” sabi ni Suzara, na ikinatuwa ang mga kahilingan dahil mas matutupad nito ang pagnanais ng FIVB at AVC na ilapit sa masa ang larong volleyball.
“The idea of the FIVB is for the volleyball to be world family sports entertainment, to involve families, mga bata, so following the ideals and standard of FIVB, ang liga ay isa sa important component ng entertainment so we want the PSL now to play now and be part of this important endeavor, “ sabi ni Suzara.
Plano naman ng PSL na bigyang pagkakataon ang lahat ngayong taon kung saan hindi lamang kababaihan kundi pati na rin ang iba pang kinukonsiderang kasarian ay gagawan nito ng espesyal na liga.
“Gusto nga sana ay magsagawa ng fans day before the 2016 Invitationals para makasama ng fans hindi lamang ang mga player kundi pati coaches, officials at media, and then we plan to have a family day for coaches and players na magkaroon ng time na magkasamang maglalaro,” sabi pa ni Suzara.
Ilang mahahalagang desisyon ang nakatakda naman nitong ihayag bago simulan ang pagsasagawa ng una nitong torneo sa 2016 na binubuo ng mga bagong patakaran na ipatutupad ng FIVB at AVC, at ang pagpili sa posibleng maging coach ng pambansang koponan.
“One of our objective is to go nationwide. Maraming government offices ang nagrerequest but we want to focus only on PSL because iba naman ang trust ng LVPI. But we are fully supportive of our national association on all of their plans for the year,” sabi ni Suzara.
Inaasahan ding magkakaroon ng karagdagang koponan sa pagsasagawa nito ng All-Flipino Conference, Beach Volley Challenge at ang pinakaaabangan na Grand Prix maliban pa sa anim nitong regular na koponan.
“One team had completely committed to join the All-Filipino and the Grand Prix while the other team is still trying to complete their line-up because of a change in the management. Another team is eager in coming back to the league but let see, that is all that we can say for now,” sabi pa ni Suzara.
Tiniyak din ni Suzara na mapupuno ng talento ang liga sa pagsusumite ng aplikasyon ng mga fil-foreigner na nagnanais makalaro at makasama sa mga bubuuing pambansang koponan ng liga. (ANGIE OREDO)