Kings, hindi na aapela sa pagkakamali ng referee sa laban nila kontra Batang Pier.
Pinal nang nabura sa listahan ng mga koponan na papasok sa quarterfinals ng ang Barangay Ginebra makaraang hindi ito maghain ng protesta at apela sa naging pagkakamali ng mga referee sa knockout game nila ng Globalport noong Linggo ng gabi para sa ikatlong semifinals berth ng 2016 PBA Philippine Cup kung saan naungusan sila ng Batang Pier, 84-83, sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay, City.
Lumagpas na ang deadline hanggang 12 ng tanghali kahapon, pero walang nagpakitang opisyal ng Ginebra sa Commissioner’s Office upang maghain ng pormal na protesta.
Ayon kay PBA media bureau chief Willie Narvasa, nagdesisyon na ang Ginerba na hindi na magprotesta bilang pagtugon sa “spirit of sportsmanship.”
Nabigong tawagan ng mga referee na nag-officiate sa naturang laro ang dapat na 5-second ball hogging violation ni Stanley Pringle sa huling laro ng nasabing laban kung saan pagkatanggap nito ng bola mula sa inbound may natitira na lamang mahigit 7 segundo sa oras at naipasa niya ito ng mahigit isang segundo na lamang ang nakatalang oras.
Malinaw na may paglabag si Pringle na siyang inirereklamo ni coach Tim Cone hanggang sa maideklarang panalo ang Batang Pier.
Katunayan sa kanyang paglapit sa table officials, pinirmahan ni Cone ang scorebook na nagbabadyang maaari silang magprotesta.
Ayon kay Marcial, kinakailangan ng isang “formal letter” mula sa Kings na dapat nilang isumite sa tanggapan ni PBA Commissioner Chito Narvasa bago mag-alas-12 ng tanghali kahapon at kasama ng “protest bond” na nagkakahalaga ng P20,000.
Hindi naman nagbigay ng anumang komento ang 2-time grandslam coach para na rin makaiwas sa anumang problema sa sandaling may masabi siyang hindi maganda.
Gayunman, ang nasabing non-call ay kinondena ng panatikong fans ng Kings at pinuna rin ng ilang kritiko partikular sa social media kung saan sinasabi at malinaw din namang ipinakita sa makailang ulit na pag-replay ng mga pangyayari sa telebisyon na mayroon talagang nangyaring paglabag na hindi tinawagan.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang mga manlalaro ng kapwa Ginebra at Globalport na manatiling kalmado at huwag mag-away dahil lamang sa kontrobersiyang bumalot sa labanan ng dalawang koponan. (MARIVIC AWITAN)