Libu-libong pasahero na ang dumagsa sa mga bus terminal sa Metro Manila, partikular sa Pasay City, Quezon City at Maynila.
Dakong 5:00 ng umaga, sa istasyon ng Elavil bus na may biyaheng Bicol at Samar ay puno na ang bus sa dami ng mga pasahero habang fully-booked naman ang mga biyaheng Bicol, Visayas, at Mindanao ng Philtranco.
Sa mga terminal naman na patungo sa mga lalawigan sa hilagang bahagi ng Luzon, mahaba na rin ang pila ng mga biyahero.
Halos wala pang sumasakay sa mga terminal ng bus na patungong Bataan, Bulacan, at Pampanga sa bahagi ng Rizal Avenue at Doroteo Jose sa Maynila.
May nakaantabay naman na mga bus upang makapagsakay pa ng mga pasaherong inaasahang daragsa mula kahapon hanggang ngayong Huwebes.
Samantala, inirereklamo naman ng mga pasahero ang mga taxi na nangongontrata at ang mga awtoridad na hindi nagbabantay sa mga lansangan lalo na ang mga tauhan ng Land Transportation Office, Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Franchising and Regulatory Board. (Jun Fabon)