TANONG: Anong sandatahang lakas sa buong mundo ang hindi sumusuweldo, walang allowance, at kusang loob na naninilbihan sa kanilang bansa? Sagot: Ang mga Reservist o Laang-Kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Wika nga, namumukod tangi o sa mas gasgas na bitiw ay “Only in the Philippines” ang may ganito. Sa ibang bansa, ang mga Reservist, national guard, o pang akmang itawag sa kanila ay may tinatanggap na suweldo, libreng uniporme, bota, at iba pang gamit. Dito sa Pilipinas, baligtad. Kahit walang ipamudmod ang pamahalaan at dahil kapus nga sa pondo, ang Laang-kawal pa ang gumagastos para sa kanilang mga gampaning tungkulin pati mga kawanggawa na boluntaryong ipinamamahagi sa ating mamamayan.

Sa natataong ika-80 taong anibersaryo ng AFP noong Disyembre 21, hindi kalabisan na ibuklod dantayan ng banggit ang mga Reservist sa tagumpay ng ating hukbong pang-depensa. Tulad halimbawa ng Philippine Army 1901st Infantry Brigade Ready Reserve na ang atasing lawak ng kanilang pinag-aalabahan ay Rehiyon 7 na binubuo ng Cebu, Bohol, Oriental Negros, at Siquijor. Dapat bigyan ng masigabo nguni’t libreng palakpak ang unit ng mga Laang-Kawal. Sa Cebu pa lang, umabot na sa 8,163 ang benepisyaryo ng kanilang kawanggawa mula sa iba’t ibang munisipyo para sa kasalukuyang taon.

Ilan sa mga benepisyo ay ang libreng konsulta, gamot, mata/salamin, dentista, abogado, opera, laboratory, gupit, masahe, derma, feeding program, tsinelas, atbp. Sa pinakamaliit na tantsahan nakatulong ang 1901st Brigade at Battalion sa gastusin ng AFP, at pamahalaan ng halos P3 milyon. Imbes na makipag-gitgitan para sa kaban ng bayan, heto sila, sariling diskarte, sa pinagsamang bulsa, talino, kakayahan, at mga kaibigan, kaakibat ang ilang sektor ng lipunan. Kung isasama pa ang tatlong iba pang battalion na nakadestino sa ibang lalawigan, lolobo lalo ang tala ng mga nabiyayaang Pilipino dahil sa libreng tulong at serbisyo, nakapag-impok ng kanilang salapi. Bukod pa ito sa taunang pag-alalay ng unit sa Sinulog, Kaplag, tree at mangrove planting, pati tulong sa pagkolekta ng basura.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maraming pangalan ang karapat-dapat mabanggit at parangalan sa walang pag-iimbot na pagtulong at pakikiisa sa diwa ng Laang-Kawal. Tanging Diyos ang maglilista ng kanilang naiambag. Huwag lang sana sabihin ng iba na: “Reservist lang yan!” (ERIK ESPINA)