tabuena copy

Pumalo ang Pilipinong golfer na si Miguel Tabuena sa anim na birdies sa huling araw upang lampasan ang mga nangunguna at maiuwi ang pinakauna at pinaka-aasam niyang Asian Tour title sa pagwawagi sa prestihiyosong Philippine Open nitong Linggo sa Luisita Golf and Country Club sa Tarlac City.

Ang 21-anyos na si Tabuena ay humataw ng six-under par 66 sa pinakahuling araw ng labanan upang maging unang Pilipino na nagawang magwagi sa kanyang natatanging titulo sa national open sapul noong 2008 sa ipinalo nito na 67-69-66 para sa kabuuang 202 strokes.

Si Tabuena ang may hawak ng course record sa nasabing golf course na 66.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Ilang beses na kinapos si Tabuena sa pagwawagi sa kanyang unang titulo sa Asian Tour kabilang ang pinakahuling sinalihan nito na Yeangder Tournament Players Championship sa Taipei noong Oktubre kung saan nagkasya lang ito sa ikalawang puwesto matapos na pangunahan ang torneo.

"You have to take your defeats as a positive and remind yourself that it is part of the process. It definitely made me a stronger golfer mentally," sabi ni Tabuena. "I knew I was playing for the win," dagdag pa nito.

Nalimitahan naman ang Philippine Open sa tatlong araw na lamang na 54 holes imbes na apat na araw matapos maapektuhan ng bagyong Melor o mas kilala bilang Nona.

Pumangalawa si Scott Barr ng Australia sa pagtatala ng 68 bagaman nasiguro nito ang kanyang pananatili sa Tour para sa taong 2016 matapos na tumalon sa ika-15 puwesto mula sa 49th silya sa Order of Merit.

Itinala ni Himmat Rai ng India ang pinakabagong course record sa laban upang tanghaling “shot the round of the week” sa itinala nitong 63 bagaman nagkasya lamang ito sa pangkalatahang ikatlong puwesto kasama ni Chinnarat Phadungsil ng Thailand na nagtala ng 67. (ANGIE OREDO)