Para kay Atty. Oliver Lozano, ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), mayroon pang maaaring takbuhan si Davao City Mayor at PDP-Laban standard bearer Rodrigo Duterte sa kasong diskuwalipikasyon na kinahaharap nito sa Commission on Elections (Comelec).

Si Lozano ang abogado ni Ruben Castor, na naghain ng kasong kumukuwestiyon sa substitution nina Martin Diño at Duterte sa pagkandidato sa pagkapangulo sa 2016.

“Ang sinasabi namin ay huwag siyang makipag-substitute kay Martin Diño dahil ito ay hindi legal. Dapat siyang makipag-substitute kay (dating Congressman Augusto) Boboy Syjuco ng KBL. Dapat lang mag-usap ang liderato ng PDP Laban at KBL hinggil dito,” pahayag ni Lozano matapos ang pagdinig sa kaso ng Comelec First Division kahapon.

Ayon kay Lozano, maaaring gawing substitute candidate si Duterte kay Syjuco dahil idineklara ng Comelec Second Division ang huli bilang nuisance candidate at ito ay iniaapela pa rin ng dating kongresista sa en banc ng poll body.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kailangan lang i-withdraw ni Boboy ang kanyang MR (motion for reconsideration),” giit ng abogado.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 9984: “An official candidate of a duly registered political party or coalition who dies, withdraws, or is disqualified for any cause after the last day for the filing of Certificate of Candidacy (COC) may be substituted by a candidate belonging to, and nominated by, the same political party or coalition.”

Hindi na papayagan ng Comelec ang substitution due to withdrawal matapos ang Disyembre 10 habang ang substitution para sa isang kandidato na pumanaw o nadiskuwalipika sa pinal na desisyon ay maaaring maghain ng certificate of candidacy hanggang kalagitnaan ng araw halalan, nakasaad din sa resolusyon.

Sa pagdinig sa kaso ni Duterte, inamin ni Lozano na nais lamang nilang si Duterte ang manalo bilang susunod na pangulo ng bansa.

Ayon naman sa abogado ni Duterte na si Vitaliano Aguirre, hindi na maaari pang i-substitute si Syjuco kay Duterte dahil naideklara na itong “nuisance candidate” ng poll body. (Leslie Ann G. Aquino)