TRULILI kayang hiwalay na sina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban?
Ito ang kumalat na balita pagkatapos ng grand presscon ng pelikulang Honor Thy Father na entry ng Reality Entertainment nina Dondon Monteverde at Direk Erik Matti sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi kasi direktang sinagot ni Lloydie ang tanong kung hiwalay na ba sila ni Angelica, halatang pinagtatakpan niya ang isyu.
Malaking kuwestiyon din ang binitiwang salita ng aktor nang tanungin kung masaya ba siya ngayong Pasko, kasi nga hindi sila magkasama ng aktres na sa Japan magdiriwang kasama ang buo nitong pamilya.
Bukod dito, mag-isang naglilibot sa Amerika si Angelica para raw mag-soul searching. Oo nga naman, kung walang pinagdadaanan ang isang tao, bakit kailangang gawin iyon?
Nabanggit ni Lloydie na, ‘Sana nga talagang masaya ako (Pasko).’
At dahil hindi tinatantanan ng mga katoto sa katatanong si John Lloyd tungkol sa relasyon nila ni Angelica, sinabi na lang niya na nagugulat siya sa mga balitang lumalabas na wala na sila ng aktres at matagal na silang hindi nagkikita.
“It’s a work season for us,” aniya. “It has been for quite a while mula nang mag-soap siya. Ngayon lang siya nakakuha ng break dahil kailangan sa istorya nila, ako naman nang magpunta siya sa New York may tinatapos ako na pelikula.”
Nang tanungin kung may plano na ba silang magpakasal since nasa right age naman na sila pareho…
“I’d like to believe na walang ganoon. I’d like to believe na it’s going to happen as organic as it’s happening in my head, parang kapag naramdaman mo at nandoon na ang moment, parang doon na lalabas. Medyo ideal ako sa ganyang aspeto,” paliwanag ni Lloydie.
At hindi sa lahat, gusto ring i-consider ng aktor ang gusto ng magulang ni Angelica.
“Ang tingin ko doon dapat kung sino ang mapili na mahalin mo ay dapat mahalin din nila dapat, may blessing nila, dapat malinaw iyon sa pamilya at katanggap-tanggap,” makahulugang sabi ni JLC.
Noon pa kumakalat ang isyu na tila may pamilyang hindi boto kung kaninuman kina Lloydie at Angelica pero itinanggi ito ng dalawa.
Ang mas pinagtutuunan ngayon ni John Lloyd, ayon na rin sa kanya, ay ang Honor Thy Father.
“Excited akong mag-participate sa MMFF kasi first time ko na Christmas season na may trabaho, so para maiba, okay din,” sabi ng aktor.
Hinuhulaang iuuwi ni Lloydie ang Best Actor trophy sa darating na MMFF awards night dahil sa kakaibang pagganap niya sa Honor Thy Father.
“More than anything talaga, it’s not the awards, it’s not the box-office or kita, ang sa akin, pinaka-excited ako sa fact na mayroong ganitong tema ng pelikula na part ng MMFF. Gusto kong makita kung paano siya tatanggapin ng audience, especially ang audience ng MMFF, parang wala kasing ipinalalabas na ganitong tema.
“After a while in the business, parang nag-i-evolve na yata and nagkakataon na doon ako tinatangay o doon napupunta sa gusto ko. Pero hindi ibig sabihin na hindi na ako gagawa ng feel-good movies natin.
“Bahala na sa ABS, or variety, kasi baka magsawa rin ‘yung mga tumatangkilik sa ‘yo,” pahayag ng aktor.
Mas gusto na ba niyang gumawa ng offbeat roles tulad ng karakter niya sa Honor Thy Father o The Trial kumpara sa romantic comedy na sure winner box-office?
“May kaba pa rin, kahit naman sa rom-com, may kaba. Itong A Second Chance nga, hindi naman namin ini-expect na magiging big hit, in the end, hindi mo pa rin masusukat ang audience,” katwiran ng aktor.
Matatandaang sinulat namin kamakailan ang pananaw na tila naging second chance talaga ni John Lloyd ang A Second Chance kasi nga muntik na siyang magpaalam sa showbiz o magpahinga dahil sa The Trial na hindi gaanong tinanggap ng masa.
“Hindi iyon (pagkakasabi), you know, after a while, ilang taon na ako sa (showbiz), mahigit kalahati ng buhay ko, nandito na ako sa ABS-CBN, 1997, siyempre, kailangan mong minsan, kasi hindi madaling sumakay sa transition, minsan hindi mo alam kung saan ka na lulugar, minsan hindi mo alam kung saan ang direksyon. ‘Yun ‘yung sinasabi ko na ganu’ng konteksto ko siya nabanggit. Ang career naman namin, minsan nandidiyan ka, minsan wala, di ba? Ang importante, every chance you get, i-enjoy mo and do your best.”
Nasulat din namin na ayaw nang gumawa ng aktor ng drama sa telebisyon, kasi nga hindi naman nag-click ang Kaytagal Kang Hinintay kasama sina John Estrada at Bea Alonzo.
“Sa planning kasi, mas call nila (ABS-CBN), kasi, di ba, mayroon tayong commitment sa kontrata natin, kailangan nating i-honor ‘yun, di ba? Siguro napapansin ko lang sa akin, lagi akong naghahanap ng gagawin ko, kahit na anong gawin ko, gusto ko talaga ‘yung gustung-gusto ko siyang gawin. Kahit na anong bagay na gawin ko, gusto ko talaga siya,” paliwanag ulit ni Lloydie.
Samantala, nalungkot ang aktor nang magkaroon ng world premiere ang Honor Thy Father at nagulat siya nang banggitin sa kanya ng ilang kababayang Pinoy na ang ganda raw ng pelikula at ang galing ng pagkakaganap niya.
“Nakakataka kasi kinabukasan pa ipalalabas, so paano nila nalaman ang istorya? Napirata na pala, nakalulungkot lang,” sabi ngi Lloydie. “Ganu’n naman talaga, kasi pelikula mo ito, so pinaghirapan mo ‘tapos ganu’n lang.
“Ako, parang wala akong magagawa kasi hindi natin area (Optical Media Board) ‘yan, so dapat ‘yan ang trabaho ng mga nakaupo diyan.”
Tumanggap ng mga positibong review mula sa Hollywood reporters ang Honor Thy Father sa 2015 Toronto International Film Festival. At nang mapanood naman ito ng aktor sa nakaraang Cinema One Originals sa Trinoma kamakailan, nagulat mismo si Lloydie na ang ganda pala ng pagkakadirek ni Erik Matti, kaya pala nabigyan ito ng Grade A sa Cinema Evaluation Board o CEB at R-13 naman sa MTRCB.
Kasama rin ni Lloydie sa Honor Thy Father sina Tirso Cruz III, Dan Fernandez, Boom Labrusca, Khalil Ramos, William Martinez at Yayo Aguila.
Kasosyo si John Lloyd bilang producer ng Reality Entertainment. (REGGE BONOAN)