Matutuloy na rin sa wakas ang kampanya sa Estados Unidos ni World Boxing Federation super featherweight champion Harmolito "Hammer" dela Torre matapos itakda ang kanyang laban kay Dominican Republic No. 2 lightweight Angel Luna sa Enero 22 sa Casino del Sol, Tucson, Arizona.

Nakatakda sanang labanan ng walang talong si De La Torre si Wanzell “Venom” Ellison noong Oktubre 23 sa Celebrity Theatre sa Phoenix, Arizona pero hindi kaagad naaprubahan ang kanyang visa kaya hindi natuloy ang sagupaan.

Para hindi kalawangin sa boksing, nilabanan na lamang niya ang beteranong si Richard Betos na na-TKO niya sa 3rdround sa sagupaang ginanap noong Nobyembre 11 sa Maasim, Sarangani.

Sinabi ng manager ni De La Torre na si Jim Claude Manangquil na naaprubahan na ang visa ng WBF champion kaya tuloy na ang kampanya sa Amerika ng boksingero sa tulong ni American promoter Greg Cohen.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Natamo ni De La Torre ang bakanteng WBF super featherweight title sa pagpapatulog sa 4th round kay Isack Junior ng Indonesia sa Lagao Gym sa General Santos Sity, South Cotabato noong Setyembre 13, 2014.

May rekord si De La Torre na perpektong 17 panalo, 12 sa pamamagitan ng knockouts, at ang makakalaban niyang si Luna ay may kartadang 11-1-1, win-losss-draw, na may 6 pagwawagi sa knockouts. (Gilbert Espeña)