SEOUL, South Korea (AFP) – Nagwakas ang dalawang araw ng pambihirang pulong ng matataas na opisyal ng North at South Korea, na layuning pahupain ang tensiyon sa hangganan ng dalawang bansa, nang walang napagkakasunduan at hindi rin nagtakda ng petsa para sa pagpapatuloy ng talakayan.
Sinabi ni Hwang Boo-Gi, chief delegate ng South Korea, na ang kakitiran ng isip ng North Korea tungkol sa mga usapin na tatalakayin ang naging dahilan ng kabiguan ng pulong sa Kaesong industrial zone na kapwa pinangangasiwaan ng dalawang bansa.
Aniya, ang Pyongyang din ang tumanggi na ipagpatuloy ang diyalogo sa susunod na linggo.