Libu-libong pasahero ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 at Metro Rail Transit (MRT)-3 ang naperhuwisyo matapos na magkaaberya sa biyahe ng dalawang tren, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay LRT Administration Spokesman Atty. Hernando Cabrera, dakong 5:00 ng umaga nang magkaroon ng aberya sa operasyon ng LRT-Line 2 at limitado lang sa Santolang hanggang V. Mapa Stations ang biyahe ng mga tren nito.

Paliwanag ni Cabrera, may maintenance work na tinatapos sa bahagi ng Recto hanggang Legarda Stations.

Dakong 8:40 ng umaga na nang bumalik sa normal ang operasyon ng LRT 2.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Samantala muling nagngitngit sa galit ang mga pasahero ng MRT 3 matapos ang panibagong aberya dulot ng umano’y bitak o sira sa riles sa pagitan ng Santolan at Ortigas Stations, pasado 6:00 ng umaga.

Agad nagpatupad ang pamunuan ng MRT ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren nito mula Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City hanggang sa Taft Avenue Station sa Pasay at pabalik.

Dahil sa aberya, hindi tumanggap ng mga pasahero ang MRT sa North Avenue hanggang Shaw Boulevard Stations kaya napilitan ang mga commuter na sumakay ng bus at jeepney patungo sa kanilang destinasyon.

Ganap na 6:40 ng umaga nang bumalik sa normal ang operasyon ng MRT. (Bella Gamotea)