INAMIN ni presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte na siya mismo ang bumaril at pumatay sa isang tao na sangkot umano sa isang krimen. Sa panayam sa kanya ng DZMM teleradyo kahapon ng hapon, upang lumabas na katanggap-tanggap ang kanyang ginawa, pinalamutian niya ang pagkukuwento ng kanyang pagpatay. Dinukot aniya ang isang babae sa kanyang bayan at dinala ito sa ibang lugar kung saan ito ay ginahasa.

Nang madakip ang salarin at ibalik ito sa kanyang bayan, binaril niya kaagad ito pagkakitang-pagkakita niya rito. Sa istilo niyang ito kapag siya ay naging pangulo, napakahirap sabihin kung magtatagumpay siya sa pagbaka ng krimen. Kapag ikaw ay pumatay, nasa iyo na rin kung ikaw ay hindi papatay. Kaya nasa iyo kung bubuhayin mo o papatayin mo ang iyong kapwa sa layunin mong mailigtas sa panganib ang lipunan.

Dahil ikaw ang pangulo, huwag mong asahang ikaw lang ang gagawa nito. Magbibigay ito ng masamang senyales sa mga kapwa mong nasa gobyerno. Hanggang sa kaliit-liitang opisyal na taglay ang kapangyarihan ng gobyerno ay papatay na rin. Tutularan ka sa layunin mong lupigin ang krimen at maging mapayapa ang iyong pamayanan. Mahihirapang magtagumpay si Duterte kung karahasan at pagpatay ang panapat niya sa krimen. Lalo lang magiging magulo ang bansa dahil hindi lamang kalaban ng lipunan ang kanilang pinapatay kundi maging ang personal na nilang kaaway.

Ang bansa ay magiging gubat na ang batas ay tapang, lakas at karahasan. Ang linyang naghihiwalay sa pagitan ng sibilisadong lipunan at gubat ay ang karapatang pantao ng mamamayan. Alisin mo ang karapatang ito at hindi mo na makikilala ang pagkakaiba ng tao sa hayop. Itinatag ng taumbayan ang gobyerno upang pangalagaan at itaguyod ang kanilang mga karapatan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Minsan na sa ating kasaysayan na may umagaw ng kapangyarihan ng mamamayan. Lakas at paghasik ng takot ang pamamaraan ng rehimeng Marcos sa pamamahala ng gobyerno. Sa kanyang panahon, hindi niya pinairal ang hatol na kamatayan. Pero, maraming namatay at nangawala sa mga taong sa akala niya ay gumawa ng krimen sa kanyang Bagong Lipunan. Pero, laging may panahon para sa katarungan at katinuan ng pamamahala na siyang bumuwag sa rehimeng nagtangkang ilagay sa kanyang kamay ang buhay ng mamamayan. (RIC VALMONTE)