Tumangging maghain ng plea si Domingo “Sandy” De Guzman III hinggil sa murder case na inihain laban sa kanya kaugnay ng pagpatay sa international race car driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor, Jr. sa Quezon City noong Hunyo 12, 2014.
Dahil dito, si Judge Luisito Cortez ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 85, ang naghain ng “not guilty” plea para kay De Guzman, na itinuturong utak sa pagpatay kay Pastor kasama ang asawa ng biktima na si Dalia Pastor.
Sa pagdinig kahapon, inatasan din ni Cortez ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ikulong si De Guzman sa pasilidad sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Unang hiniling ng abogado ni De Guzman na si Atty. Dennis Manalo sa korte na panatiliin ang kanyang kliyente na National Bureau of Investigation (NBI) detention facility, sa halip na sa Quezon City Jail dahil sa banta sa buhay nito.
Sa kanyang inihaing mosyon, iginiit ni De Guzman na nakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang cell phone na ipaliligpit siya sa loob ng piitan bilang “kabayaran” sa pagpatay kay Enzo.
Matapos ang ilang buwang pagtatago sa batas, naaresto si De Guzman ng mga tauhan ng NBI sa isang hotel sa Dasmariñas, Cavite, noong Disyembre 3.
Si De Guzman ay nahaharap sa kasong murder habang si Dahlia, na umano’y kanyang karelasyon, ay kinasuhan ng parricide hinggil sa pagpatay kay Enzo. (Chito A. Chavez)