Inungusan ng reigning juniors champion University of Perpetual Help ang Arellano University, 29-27, 25-17, 23-25, 17-25, 15-8, para makamit ang solong pamumuno sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 91st NCAA volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala ng 21- puntos si Ivan Encila na kinabibilangan ng 20 spikes habang nag-ambag ang mga kakamping sina Darwin Salopaso, Ryuji Condrad Etorma at team captain Jody Margaux Severo ng 15, 14 at 11-puntos ayon sa pagkakasunud-sunod, upang tulungan ang Junior Altas sa pag-angat sa solong liderato hawak ang barahang 2-0, panalo-talo.

“There are still things that we needed to work on. It’s not easy, but we’re getting there,” pahayag ni Perpetual Help coach Sandy Rieta.

Kapwa naman umiskor ng tig-20 puntos sina Jesus Valdez at skipper Aldimal Waham para sa Braves ngunit kinapos sila sa decider at walang nakuhang sapat na suporta mula sa kanilang mga teammate na ikinalaglag nila sa ikalawang puwesto hawak ang barahang 2-1, panalo-talo, kapantay ng dating namumunong San Sebastian College.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa men’s division, pinataob din ng Perpetual Alta ang Arellano Chiefs, 25-21, 26-24, 25-22, upang sumalo sa pamumuno sa defending champion Emilio Aguinaldo College at College of St. Benilde sa pangingibabaw hawak ang malinis na kartadang 3-0.

Nagsanib-puwersa sina Rey Taneo, Jr., skipper Bonjomar Castel at Ranidean Phillipe Abcede na nagposte ng kabuuang 37-puntos upang pangunahan ang Altas na naghahangad na mabawi ang titulong naagaw sa kanila ng Generals noong nakaraang Season 77. (MARIVIC AWITAN)