MARAMI ang nagtatanong sa amin kung mabubulag daw ba ang paboritong bata ngayon sa telebisyon na si Ningning na ginagampanan ng napakahusay na young actress na si Jana Agoncillo.

Nalaman namin sa latest release ng Star Creatives na yayanigin daw ng matinding pagsubok si Ningning na sinisimulan sa paglabo ng kanyang paningin sa top-rating Kapamilya tanghali-serye.

Matapos ang makukulay at magagandang nangyayari sa buhay ni Ningning, bigla siyang magrereklamo sa best friend na si Macmac (John Steven de Guzman) na lumalabo ang kanyang paningin. Labis na mangangamba ng tatay ni Ningning na si Dondon (Ketchup Eusebio) sa kalusugan ng anak at magbabalak na ikonsulta sa doktor.

Tiyak na lalong tututok ang mga manonood para malaman kung malalagpasan ni Ningning ang pinakamalaking pagsubok sa buhay niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Hindi nalalayo ang malaking banta sa kalusugan ni Ningning sa buhay ni Ashley, ang batang may bone marrow cancer at epidermolysis bullosa na ginampanan ni Jana noong nakaraang linggo sa MMK.

Dahil sa madamdaming kuwento at kahanga-hangang pag-arte ni Jana, muling namayagpag ang MMK sa nationwide ratings 25.7% na pumang-apat sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Nobyembre 28.

Nananatili ring most-watched weekday morning program sa buong bansa ang Ningning. Ayon sa data ng Kantar Media sa buwan ng Nobyembre, nakakuha ang Ningning ng national TV rating na 15.7% kumpara sa 11.8% ng katapat na programang Princess in the Palace ng GMA.

Binigyang parangal din si Jana sa 29th PMPC Star Awards for Television bilang Best New Female TV Personality. Ang ibang nominado sa kategorya ay sina Loisa Andalio, Maine Mendoza, Mariz Racal, MJ Lastimosa, at Stephanie Yamut.

Napapanood ang Ningning Lunes hanggang Biyernes bago mag-It’s Showtime.sa ABS-CBN. (ADOR SALUTA)