Umaabot sa kabuuang P14-milyon ang nakatayang premyo na paglalabanan sa ika-98 edisyon ng Philippine Open na lilipat sa kauna-unahang pagkakataon sa Luisita Golf and Country Club sa Tarlac, Tarlac ngayong darating na Disyembre 17 hanggang 20.

Ito ang sinabi nina National Golf Association of the Philippines (NGAP) president Carlos Coscolluela, Jr., kasama ang secretary general na si Jose Iñigo sa pagdalo nito sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA).

“We expect an exciting tournament as we held the longest running professional golf open in Asia in a different venue after a long while since it was traditionally held in Wack-Wack,” sabi ni Coscolluela Jr.

Magsisilbing host ngayong taon ang NGAP director na si Martin Lorenzo na siyang namuno para matipon ang isa na sa pinakamalaking premyong paglalabanan ng mga dadayong golfer sa buong Asya at pinakamagagaling na mga homegrown na manlalaro sa bansa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We already had a confirmed 92 foreigners coming plus the top 32 of our homegrown golfers,” sabi naman ni Iñigo. “It will be the first time the Philippine Open will change venue as we plan to have the tournament touring around the country every year,” sabi pa nito.

Inaasahan naman na babalik upang lumahok si Marcus Both ng Australia upang idepensa ang kanyang korona na napalunan sa iskor na 286 (6-under-par) at ang 2012 champion na si Mardam Mamat ng Singapore na nagwagi sa iskor na 280 (8-under-par).

Sinabi naman ni Iñigo, malaki ang tsansa ni Miguel Tabuena na masungkit ang pinakauna nitong korona sa torneo dahil hawak nito ang course record sa Luisita na 22-under par sa paglahok nito sa isinagawa na isang leg ng ICTSI Philippine Tour.

“Everybody now is looking at Miguel Tabuena because he recently set the course record in the venue,” sabi ni Iñigo, kung saan inaasahan nito ang pagdalo ng mga manlalaro mula sa Australia, Korea, Thailand, India, Malaysia, Singapore at Chinese Taipei.

Apat na amateur player naman ang iimbitahan ng NGAP upang mabigyan ng karampatang pagsasanay at ma-expose sa mga pinakamahuhusay na manlalaro ng larong golf.

Susundin ng torneo ang 72-hole stroke play kung saan 60 manlalaro ang matitira matapos ang dalawang araw na pagpalo.

Ang makakasama sa cut ay agad namang makakasungkit ng garantisadong premyo mula sa total pot na US$300,000.00.

(Angie Oredo)