Muling naitala bilang topscorer si Rosalie Pepito para sa Jose rizal University (JRU) makaraang magtala ito ng 18-puntos upang pangunahan ang Lady Bombers sa 26-24 , 25-14, 25- 22 panalo kontra event host Letran sa pagpapatuloy ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nag- ambag naman si Karen Cay Montojo ng 12-puntos sa naturang panalo na nag angat sa JRU sa barahang 2-1, panalo-talo.

Natapos naman bilang leading scorer si Cynthia Molina para sa Lady Knights na nalaglag sa buntot ng standings makaraang manatiling walang panalo matapos ang tatlong laro sa ipinoste nitong 7-puntos.

Bumawi naman ang Letran sa men’s division matapos walisin ng Knights ang Heavy Bombers, 28-26, 25-17, 25-23.

Ang panalo ang una pa lamang ng Knights sa tatlong laro habang bumaba naman ang Heavy Bombers sa ikatlong dikit na pagkabigo.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Sa isa pang women’s match, nakabasag din sa win column ang San Beda College matapos gapiin ang Mapua, 25-22, 25-21, 25-15 sa pamumuno ni Iris Domingo na nagtala ng 10-puntos.

Dahil sa panalo, pumantay ang Red Lady Spikers sa Lady Knights sa barahang 1-2, panalo- talo habang nalaglag naman ang Mapua sa 0-3,kartada. (MARIVIC AWITAN)