Warriors, 22-0, isang panalo na lang para mapantayan ang rekord ng Miami Heat.
Umiskor si Stephen Curry ng 16 sa kanyang 28-puntos sa ikatlong yugto upang itulak pa ang Golden State Warriors sa pinakamagandang NBA-record na 22-0 matapos biguin ang Brooklyn Nets, 114-98, Linggo ng gabi.
Nag-ambag si Draymond Green ng 22-puntos, siyam na rebound at pitong assist habang si Klay Thompson ay may 21-puntos para sa nagtatanggol na kampeon na Warriors na itinala ang kanilang ika-26 na pangkalahatang sunod na panalo sa regular season.
Kulang na lamang ng isang panalo ang Warriors upang pantayan ang rekord ng 2012-13 Miami Heat para sa ikalawa na pinakamahabang pagwawagi sa kasaysayan ng NBA.
Matapos ang sunod-sunod na laro sa pag-iskor ng mahigit na 40-puntos, tila malamya ang paglalaro ni Curry at nakapapanibagong gabi kung saan sumablay ang una nitong tatlong binitiwang free throws bago tinulungan ang Warriors na makuha ang kontrol sa koponan na halos nagpalasap ditong kabiguan ngayong season.
Subalit nagpamalas muli ng husay ang kasalukuyang NBA MVP sa paghulog ng mga bomba upang tuluyang ilayo ang Golden State sa nakaririnding paglalaro sa pagsisimula ng ikaapat na yugto.
Napantayan ng Warriors ang isa pang NBA rekord sa pagtabla nito sa 1969-70 New York Knicks para sa best road start na 12-0. Sunod nitong bibisitahin ang Indiana Martes.
Nanguna si Thaddeus Young na may 25-puntos at 14 rebound habang si Brook Lopez ay may 18 para sa Nets, na naputol ang kanilang apat na game home winning streak.
Matatandaan na sumablay si Lopez mula sa point-blank range sa regulation buzzer noong Nobyembre 14 bago na nagawang talunin ng Warriors ang Nets sa overtime sa kanilang homecourt. (ANGIE OREDO)