Adele copy copy

NEW YORK (AFP) – Muling nakapagtala ng bagong record ang 25 album ni Adele, nang makabenta ito ng mahigit isang milyong kopya sa United States sa ikalawang linggo matapos i-release, ayon sa isang tracking service.

Dahil nananatiling matagumpay sa ikalawang linggo ng release ang album, ang British singer ang naging ikalawang artist na nakapagbenta ng mahigit isang milyong album sa dalawang magkahiwalay na linggo simula noong 1991, nang simulan ng Nielsen Music ang systematic data nito.

Nakabenta ng 1.1 milyong kopya ang 25 sa ikalawang linggo nito, hanggang nitong Huwebes, kaya nasa 4.49 milyong kopya na ang kabuuang benta sa Amerika simula nang i-release ito noong Nobyembre 20, ayon sa Nielsen Music.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Maaaring madagdagan pa ang sales, dahil sa holiday shopping season at sa mga isasagawang pagtatanghal ni Adele.

Ang nauna niyang album na 21 ay nakabenta ng mahigit 11 milyong kopya sa United States simula nang i-release noong 2011, at nanguna sa mga year-end chart sa dalawang magkasunod na taon.

Nagtala rin ng mga bagong record ang 25 sa bansa ni Adele, ang Britain, nang makabenta siya ng mahigit isang milyong kopya sa loob lang ng 10 araw — ang pinakamarami sa loob lang ng mahigit isang linggo.

Ang album, na tinatampukan ng blockbuster single na Hello, ay gaya ng mga naunang album ni Adele na koleksiyon ng mga emosyonal na ballad tungkol sa kabiguan sa pag-ibig at alaala ng pagkabata.

Kasabay ng kanyang tagumpay ay ang pagbawi ng benta ng mga album, na tuluyan nang nanamlay simula nang mauso ang online music dalawang dekada na ang nakalilipas.

Kakatwa para sa isang pop star sa kasalukuyang panahon, hindi inilabas ni Adele ang 25 sa streaming services, gaya ng Spotify, at hindi rin nagbabad sa social media interaction, gaya ng karamihan sa mga music artist ngayon.

At dahil sa record sales, walang dudang malaki ang naitulong ni Adele para muling mapasigla ang benta ng recorded music industry.