MULA sa pagiging child star sa Goin’ Bulilit hanggang sa maging pretty teen sa Luv U, nahinog na rin si Miles Ocampo sa pagiging isang aktres. Nang gumanap siya bilang bida sa Maalaala Mo Kaya, marami ang nakapansin at nagsabing it’s about time na mag-level-up na ang dating sweet child star sa mature roles.
Kaya marami ang natuwa nang isali siya sa And I Love You So na may premiere telecast na sa Lunes, December 7.
Gaganap si Miles bilang kapatid ni Julia Barretto at magkakaroon sila ng mabibigat na eksena.
Powerhouse cast ang And I Love You So dahil pawang mahuhusay ang makakasama nina Miles at Julia bukod kina Julia, Miles at Iñigo Pascual, gaya nina Angel Aquino, Dimples Romana, Benjie Paras, Nikki Valdez at Jay Manalo.
Introducing naman ang PBB 737 housemate na si Kenzo Gutierrez kasama ang teen actor na si Francis Mangundayao at ganoon din si Luke Jickain.
Malayo sa pa-cute na role sa Luv U, ipapakita ni Miles ang kakayahan niyang magdrama bilang si Joanna Ramirez na makakatikim ng pang-aapi sa kapatid na si Trixie (Julia).
Ayon kay Miles, malaking tulong sa kanyang pag-i-emote o paghugot ng acting na mga kilala nang drama actress ang kabatuhan niya sa mga eksena.
“Kapag sa eksena naman talaga mahalaga na kumukuha ka sa kaeksena mo, so thankful ako na lagi namang nagbibigay ang mga kaeksena ko dito. So thankful ako, kasi lagi naman kaming nagtutulungan,” ani Miles.
Malaking challenge kasi ang drama kay Miles na dating napapanood sa sitcom.
“Dati napapanood ko lang ‘yun -- na ‘yung isa inaapi, ‘yung isa ipagtatanggol niya ang sarili niya. So ‘yung process ng paggawa namin ng show masaya, so excited ako na mapanood nila (fans).
“Nakakatuwa naman sila, kasi kahit no’ng mga before pa, ‘yung puro sitcom ang ginagawa ko, Home Sweetie Home at LuvU, sobrang grabe ang suporta nila, lalo ngayon na iba na’ng gagawin ko. Simula no’ng nakita nila ang trailer namin, nakakatuwa na ang dami kong natanggap na positive feedbacks galing sa mga tao.”
Sa teaser na ipinapanood sa presscon ng And I Love You So, marami ang pisikalang naganap between Joanna and Trixie, roles nila ni Julia.
Totoo nga bang nagkakasakitan sila sa kanilang mga eksena?
“Sobrang close kami ni Julia. Sobrang nakakatuwa nga na ang bilis naming nag-click together. Kapag may scenes kami na magkasama, ang hirap magpigil lagi ng tawa kasi sobrang masaya kami,” sey niya.
“Pero kapag ‘yung mga eksena na intense na, in fairness naman to us, talagang hindi kami nagpapansinan. Nakakatulong talaga ang isa’t isa.” pahayag pa ni Miles. (ADOR SALUTA)