SA kabila ng umano’y kapalpakan, kamanhiran at katamaran (KKK) ng administrasyong Aquino, hindi maitatangging sa lahat ng naging presidente, mula kay Marcos hanggang kay Gloria, si PNoy ang tanging pangulo na nagpursige at nagsulong sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Hindi na-anticipate ng mga naging pangulo ng bansa na balang araw ay magigising ang higanteng China sa pagkakahimbing at magiging banta sa mga teritoryo ng ‘Pinas sa karagatan dahil sa pagsikad ng ekonomiya at paglakas ng puwersa-militar. Hindi rin na-anticipate ng dating mga pangulo na balang araw ay lilisanin ng US forces ang Subic at Clark.

Bilang patunay na seryoso ang binatang Pangulo ng Pilipinas sa modernisasyon ng AFP, dalawang supersonic combat aircraft galing sa South Korea-- ang FA-50 fighter jets-- ang lumapag noong Sabado sa Clark Air Base, Pampanga na bahagi ng 12 brand new fighter jets na binili ng Pilipinas para sa modernization program sa halagang $402 milyon o P18.9 bilyon. Ang mga jet ay itatalaga sa Subic freeport na nakaharap sa West Philippine Sea na kinaroroonan ng mga sasakyang-dagat ng China na patuloy sa konstruksiyon ng artificial islands. Tanong: Ang ganitong modernisasyon ay nagawa ba ng mga administrasyon nina Marcos, Cory, Ramos, Estrada, at Arroyo?

Kahit papaano ay bilib ako sa machong alkalde ng Davao City, kay Rodrigo “Digong” Duterte. Sinabi niyang tatanggapin niya ang magiging desisyon ng Comelec, na pinamumunuan ni Andres Bautista, sakaling siya ay idiskuwalipika bunsod ng petisyon ng isang Ruben Castor na depektibo ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo. Akala nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, bubulalas si Mayor Digong ng ganito: “Kapag diniskuwalipika ninyo ako, papatayin ko kayo.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kampante naman pala siya sa magiging desisyon ng Comelec at ni Ka Andres. Anyway, abangan natin ang pasiya ng Comelec sa dalawang kaso ng diskuwalipikasyon na hawak nito, ang kay Sen. Grace Poe at kay Digong. Kapag nabura sina Grace at Duterte sa listahan, bakbakan ito nina Bi-Hon (Binay-Honasan), Ro-Ro (Roxas-Robredo) at Mir-Mar (Miriam-Marcos). Teka, isasama pa ba natin sina ex-Amb. Roy Senerez at ex-Iloilo City Rep. Augusto Syjuco?

****

Pahabol pala: Sinabi ni Bb. Pilipinas-Universe Pia Alonzo Wurtzbach na pinadalhan siya ng bulaklak at “good luck wish” ni PNoy sa paglaban niya sa 2015 Miss Universe pageant sa Las Vegas, Nevada sa Disyembre 21. Ibig bang sabihin nito ay nanliligaw si PNoy upang sa pagbaba sa puwesto sa Hunyo 2016 ay talagang mag-aasawa na ang solterong pangulo? (BERT DE GUZMAN)