Nagpahayag ng pangamba ang isang kongresista na mahihirapang magkaroon ng quorum sa Kamara de Representantes sa mga susunod na araw upang talakayin at maipasa ang mahahalagang panukala.

Sinabi ng opposition leader na si Isabela Rep. Rodolfo Albano III na posibleng hindi na dumalo sa sesyon ang malaking bilang ng kongresista, gaya ng nangyari bago idaos ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit nitong nakaraang linggo.

“Ang dami pang dapat gawin subalit talagang gahol na sa oras. Pero gagawin na lang namin ang aming kayang gawin,” giit ni Albano.

Binigyang halaga ni Albano ang pagdalo ng mga kongresista sa mga nalalabing sesyon hindi lamang upang maaprubahan ang mahahalagang panukala, kundi bilang patunay na ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang mambabatas.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Sa nakalipas na tatlong linggo bago ang APEC conference, naging malaking hadlang ang kakulangan ng quorum sa Kamara kaya halos walang naipasang panukala ang mga miyembro nito.

Nananatiling nakabitin ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil ilang beses na kinansela ang mga debate bunsod ng kawalan ng quorum.

Naantala rin ang pagpapasa ng panukalang pagpapalawig sa Salary Standardization Law, na ang layunin ay maitaas ang estado ng mga opisyal at empleyado sa gobyerno.

“Halata naman na ang eleksiyon na ang nasa isip ng aking mga kabaro. Kaya hinihiling ko lang sa kanila ay tutukan at bigyan ng panahon ang talakayan sa mahahalagang panukala sa siyam na nalalabing araw para sa mga sesyon,” pahayag ng kongresista mula Isabela.

“Pagkatapos nito, mangampanya na sila nang mangampanya para sa 2016,” dagdag niya. (Ben R. Rosario)