Muling napasabak sa mahabang lakaran ang mga pasahero kahapon dahil sa ipinatutupad na “lockdown” ng awtoridad sa ilang kalsada para sa seguridad ng mga state leader na magsisiuwi matapos dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting.
Maraming pasahero mula sa Cavite, Parañaque at Las Piñas, na madaling araw pa lang ay umalis na ng bahay, ang napasabak sa kilo-kilometrong lakaran mula sa Coastal Road hanggang sa EDSA-LRT Station dahil sarado pa rin ang Roxas Boulevard at NAIA Road.
Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor na bagamat tapos na ang APEC ay mahigpit pa rin ang ipinatutupad na seguridad ng PNP para naman sa pag-uwi ng mga delegado sa kani-kanilang bansa, kasunod ng panawagan sa publiko para sa ibayong pang-unawa at pagtitiyaga.
Dakong 10:00 ng umaga nang muling maglabas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng abiso para sa mga saradong kalsada kahapon. (Bella Gamotea)