SA kasagsagan ng pagpupulong ng mga delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), isang nakadidismayang impresyon ang nabuo sa ilang sektor ng sambayanan: Ito’y isang kalbaryo. Tiyak na ang kanilang tinutukoy ay ang matinding trapik na halos isumpa ng mga motorista at mismong mga pasahero na ang iba ay napilitang maglakad makarating lang sa kanilang paroroonan. Halos hindi umuusad ang mga sasakyan sa Edsa, lalo na sa APEC lanes at iba pang kalsada na ipinasara upang hindi umano maabala ang naturang pagpupulong. Dahil sa bigat ng trapik, isang ina ang nanganak sa kalsada.
Masyadong malaki ang perhuwisyong idinudulot ng APEC meet, lalo na sa Metro Manila. Katakut-takot na airline flights ang kinansela; isa itong malaking abala sa mga negosyante na airline flights ang kinansela; isa itong malaking abala sa mga negosyante na may mga transaksiyon sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Malaki rin ang nawala sa mga daily wage earners na walang kikitain dahil sa idineklarang holiday.
Maaaring may lohika ang labis na paghihigpit sa APEC lanes. Dito dadaan ang mga lider ng iba’t ibang bansa at iba pang economic leaders. Dapat lamang na tiyakin ang kanilang seguridad, lalo na ang mga super power heads na may malaking bahagi sa summit. Ang situwasyong ito ay dapat lamang pangalagaan ng mga alagad ng batas, particular na ng Philippine National Police (PNP). Lalo na’t kamakailan lamang nangyari ang malagim na terrorist attacks sa Paris.
Ang mga pangitaing ito ay maliwanag na hindi natalasan ng mga kasangkot sa preparasyon ng APEC summit. Marahil ay hindi nila naisip na hindi dapat idaos sa Metro Manila ang isang napakahalagang pagpupulong ng world leaders na taglay ang libu-libong miyembro ng kanilang delegasyon.
Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit iminungkahi ni dating Presidente Ramos na idaos sa Clark ang APEC meet. Sana ay hindi natin nasaksihan ang isang preparasyon na produkto ng kawalan ng sentido komun o common sense. Sa panahon ni Ramos, ang 1996 APEC summit ay idinaos sa Subic.
Tulad ng malimit sabihin ng administrasyon, tiis-tiis lang. Sa kabila nito, naniniwala ako na ang APEC meet ay magiging bahagi ng mga kaunlarang pangkabuhayan ng bansa. At hindi malayo na ang Pilipinas ay maging isang economic tiger. Sana nga. (CELO LAGMAY)