Tinanghal ang Filipina mountain biker na si Ariana Dormitorio bilang overall women’s elite cross country (XCO) champion sa katatapos lamang na 2015 ASEAN MTB Cup sa paglahok nito sa huling yugto sa Timor Leste.

Kinumpleto ng 19-anyos na si Dormitorio ang 4-leg Series sa pagsungkit sa medalyang pilak nito lamang Linggo sa pinakahuling leg sa Dili, Timor Leste na nagtulak dito upang tanghalin na pinakamagaling sa rehiyon

Una na siyang nanalo sa ginanap na dalawang leg sa Pilipinas at Indonesia bago nagkasya sa pilak sa ikatlong leg na isinagawa naman sa Malaysia.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Tinahak ni Dormitorio sa ginanap na karera sa Timor Leste ang 5-lap course na dadaan sa kabuuang 3.9 kilometro kada lap sa loob ng isang oras, 28-minuto at 50-segundo upang tumapos na ikalawa sa 9 na babaeng kasali sa kategorya sa likod ni Ilda Carina Pereira ng Portugal.

Dahil sa panalo, inaasahan si Dormitorio na makakasama sa makapagbibigay medalya sa bansa sakaling isama ang mountain bike sa gaganaping 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia.

Samantala, pumangalawa naman ang isa pang Pilipino na si Jun Vincent Duron sa Men’s Master A (XCO) matapos ang kanyang iniuwing medalyang pilak sa huling yugto sa tinanghal na kampeon mula sa Timor Leste. (Angie Oredo)