MALAKI ang paghanga ko sa ating celebrities ngayon. Kahit sa labas ng kanilang larangan ay tahasan nilang ipinakikita ang kanilang pakikiisa at malasakit sa kanilang kapwa. Isang halimbawa ang TV at internet sensation na si Maine Mendoza, na kilalang-kilala sa taguring “Yaya Dub”, sina Aiza Seguerra, Angel Locsin, Luis Manzano, Bayang Barrios at Wally Bayola. Ginamit nila ang social media upang ipakita ang pakikiisa nila sa ipinaglalaban ng grupo ng Lumad, na binubuo ng mga katutubo sa katimugan ng bansa. Ang larawan ni Mendoza na may tangan na kapirasong papel na may sulat kamay na “We Stand With Lumads #Save our Schools” ay nag-viral sa social media. Pumukaw ito ng pansin sa protestang ginagawa ng Lumad sa Metro Manila, na nagsimula pa noong isang buwan.

“Kung alam lamang nila ang tunay na pangyayari,” wika ni AFP Civil Relations Officer Brig. Gen. Joselito E. Kakilala, “magdadalawang-isip sila.” Pero ang mga Lumad ay naririto sa Metro Manila upang ipaalam ang nagaganap sa kanilang lugar. Ipinoprotesta nila ang pagpaslang ng mga sundalo sa tatlo nilang leader, ang dalawa ay pinuno ng kanilang tribu at ang isa ay tagapagtanggol ng kanilang karapatang pantao. Binabatikos nila ang militarisasyon sa kanila at pinaaalis nila sa kanilang lugar ang mga sundalo. Pero iginigiit ng heneral na ang mga sundalo ay naririto upang pangalagaan ang kapayapaan. Pinaglalaban-laban daw ng mga komunista ang mga tribu. Kung totoo na ang layunin ng mga sundalo sa lugar ng mga Lumad ay mapanatili ang kapayapaan, bakit sila pinaaalis ng mga ito? Bakit militarisasyon ang kanilang reklamo? Bakit sa kanila ibinibintang ang pagkamatay ng kanilang mga pinuno?

Hanggang ngayon, pamamaraan pa rin ni Pangulong Marcos ang ginagawa ng ating gobyerno. Komunista ang dahilan kung bakit isinailalim ni noon ay Pangulong Marcos ang bansa sa batas militar. Nais daw niyang sagipin ang republika sa bingit ng panganib. Kung ano ang sumunod na naganap ay ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Komunista rin ang dahilan ng militar kung bakit kinubkob nila ang lugar ng mga Lumad. Kasi nais ng gobyerno na minahin at gawing plantasyon ang kanilang ancestral land.

Ang pakikiisa ng mga celebrity natin sa mga lumad ay kapuri-puri. Sa pagdating sa ating bansa ng mga banyagang aktibista na sumusubaybay sa APEC upang kondenahin ang layunin nito, mapupukaw nila ang pansin ng mga ito para makiisa sa kanila. Sa ganito, buong daigdig na ang makakapansin sa kaawa-awang kalagayan ng mga Lumad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

(RIC VALMONTE)